NO VAX, NO RIDE MAY BATAYANG LIGAL

NO VAX, NO RIDE MAY BATAYANG LIGAL

January 26, 2022 @ 8:56 AM 8 months ago


MAY ligal na basehan ang paninindigan ng Department of Transportation kaugnay sa “no vaccination, no ride policy” na ipinatutupad nito sa mga pampublikong transportasyon mula noong Enero 17.

Ginampanan lang ng DOTr ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa’t polisiya ng mga syudad sa Metro Manila hinggil sa hindi pagpahintulot na maisakay sa public transport ang hindi pa bakunadong mamamayan.

Napapaloob din sa kasunduan ng Metro Manila Council ang patakarang ito na layon namang mapigilan ang hawaan ng patuloy pang sumisirit ang pagtaas ng kaso ng covid-19 sa NCR at karatig na mga lalawigan dito.

Naaayon din sa resolusyon ng IATF ang polisiya kung saan ipinagbabawal ang sinomang hindi bakunado na sumakay sa anomang pampublikong sasakyang naglalayong matuldukan na ang pananalasa ng sakit na ito.

Unawa ng pamahalaan ang karapatan ng bawat isa na ginagarantiya ng RA 11525 kung saan pinapayagan ang sinomang bumiyahe ng walang balakid lalo na ang pagbibitbit ng vaccination card na ‘yan subalit pangunahing responsibilidad din naman ng gobyerno na pangalagaan ang kalusugan ng higit na nakararaming kababayan sa panahon ng state of national emergency dulot ng pandemyang ito.

Ibig sabihin, patas ang pagtingin ng gobyerno sa bakunado at hindi bakunadong mamamayan ngunit sa puntong ito kailangan ipatupad ng DOTr ang naturang patakaran upang protektahan ang higit na nakararaming bakunadong sambayanan.

Hindi nga lang maunawaan ng karamihan kung bakit ayaw pa magpaturok ng iilan gayong ito lang naman ang tanging solusyon para matuldukan na ang sakit na ‘yan.

At sa punto ng Integrated Bar of the Philippines na repasuhin ang polisiyang ito kung saan kuwestiyunable ang ligalidad na sinagot naman ng gobyernong tatabasin din naman ito kapag nasa alert level 2 na pababa ang Metro Manila.

Kumbaga sa kaing ng kamatis, tinatanggal lang ng maglalako ang ilang bulok upang hindi mahawaan ang karamihan sa loob ng tiklis.

Kaya kayong ilang kandidatong kumokontra sa polisiyang ito, huwag na kayong pa epal dahil bistado na ng sambayanan ang istilo ninyong tawag-pansin lang sa mga kababayan upang mapag-usapan ngayong nalalapit na ang eleksyon..pwe.

oOo

Anomang puna o suhestiyon, itext sa 09999388537/email [email protected]