‘No vax, no ride’ policy magreresulta sa paglipana ng kolorum – grupo

‘No vax, no ride’ policy magreresulta sa paglipana ng kolorum – grupo

January 14, 2022 @ 7:40 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Ibinabala ng isang commuters’ group na magreresulta lang sa paglipana ng kolorum na sasakyan ang ipinatutupad na “no vaccination, no ride” ng Department of Transportation sa National Capital Region (NCR).

Sa interbyu kay Ric Rivera ng Pilipino Society and Development Advocates Commuter-Consumer (PASADA CC) sa UnangBalita, sinabi niya na maraming kolorum na sasakyan ang hindi sumusunod sa itinakdang health protocol ng gobyerno.

“Baka pumunta sila doon sa colorum sapagkat itong mga colorum hindi po nagre-require o nagi-exercise ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) protocols,” ani Rivera.

Giit ni Rivera, mayroong 12,000 colorum vehicles ang naglipana sa daan at ibinibala pa niya na maaaring magkaroon ng hawaan ng COVID-19 sa mga nasabing sasakyan sa kabila ng bagong polisiya ng DOTr.

Samantala, ipinanawagan din naman ni Rivera sa gobyerno na taasan o wakasan na ang ipinatutupad na passenger limit sa mga public utility vehicle sa gitna ng pandemya.

“Mas mabuti na talagang enganyuhin ang PUVs natin. Huwag nating limitahan. Sapagkat sila naman po ay may special permit o may prangkisa. Mas makatutulong po sa atin yan,” aniya pa. RNT