‘No vaxx, no ride’ sa public transport sa NCR, inatas ni Tugade

‘No vaxx, no ride’ sa public transport sa NCR, inatas ni Tugade

January 12, 2022 @ 10:40 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Ipatutupad na  ang “no vaccination, no ride/no entry” policy sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR).

Ang kautusan na ito ni Transportation Secretary Art Tugade ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na higpitan ang magiging galaw ng mga indibiduwal na hindi bakunado laban sa COVID-19 sa Metro Manila.

Batay sa inilabas na Department Order (DO), sinabi ni Tugade na epektibo ang nasabing polisiya habang umiiral ang COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas sa NCR.

Kaugnay nito, nagpasa rin ang Metro Manila Council ng isang resolusyon para himukin ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa NCR na magpatupad ng ordinansa hinggil sa mas mahigpit na panuntunan sa mga hindi bakunado.

Sinasabing magiging epektibo ang DO makaraang maisapubliko sa Official Gazette o mga pahayagan, at matapos makapagsumite ng kopya sa Office of the National Administrative Register, U.P. Law Center.

“All concerned attached agencies and sectoral offices of DOTr are directed to ensure that operators of public transportation shall allow access or issue tickets only to ‘fully vaccinated persons’ as evidenced by a physical or digital copies of an LGU (local government unit)-issued vaccine card, or any IATF-prescribed document, with a valid government issued ID with picture and address,” ang naksaad sa DO.

Makikita rin sa DO na maikokonsidera bilang fully vaccinated laban sa COVID-19 ang isang indibiduwal dalawang linggo matapos makatanggap ng second dose, tulad ng Pfizer o Moderna vaccines, o dalawang linggo matapos ang single-dose vaccine tulad ng Janssen vaccine ng Johnson & Johnson.

Sinasabing exempted naman sa “no vaccination, no ride” policy ang mga
indibiduwal na may medical condition na pumipigil sa buong COVID-19 vaccination, base sa medical certificate na may pangalan at detalye ng kanilang doktor at mga indibiduwal na bibili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho, at medical and dental necessities, base sa barangay health pass o iba pang katibayan ng pagbiyahe. Kris Jose