Nobyembre uno, sasalubungin ng price rollback ng produktong petrolyo

Nobyembre uno, sasalubungin ng price rollback ng produktong petrolyo

October 31, 2022 @ 1:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sasalubungin ng kapiranggot na oil price rollback sa mga produktong petrolyo na ipatutupad ng mga kompanya ng langis sa bansa ang unang araw ng Nobyembre.

Sa inilabas na abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng katiting na bawas presyo na P0.60 sa kada litro ng diesel habang nasa P0.25 naman sa kada litro ng gasolina at kerosene na magiging epektibo bukas ng alas-6 ng umaga.

May rollback din sa kahalintulad na halaga ng mga produktong petrolyo ang kompanyang Caltex (CPI) at Cleanfuel na magiging epektibo naman alas-12:01 ng madaling araw.

Ang ipatutupad na barya-baryang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na matapos ang magkakasunod na malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay nagpatupad naman ng katiting na bawas presyo ang mga kompanya ng langis sa bansa nito lamang nakaraang linggo na P0.35 sa kada litro ng gasolina, P1.10 sa kada litro ng diesel, at P0.45 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes