Non-essential, ‘vanity projects pinatutuldukan ni Imee sa gitna ng fuel price hikes

Non-essential, ‘vanity projects pinatutuldukan ni Imee sa gitna ng fuel price hikes

June 16, 2022 @ 3:28 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ipinanukala ni Senador Imee Marcos na tanggalin ang non-essential expense kabilang ang tinaguriang “vanity project” ng gobyerno sa 2023 national budget.

Sa panayam, sinabi ni Marcos na mas kailangan paglaan ng pondo ng pamahalaan ang pagbibigay ng subsidiya sa apektadong sector tulad ng transportasyon, agrikultura at pangisdaan.

Aniya, makukuha ang pondo sa natitipid ng pamahalaan.

“I’m afraid that subsidies will have to continue. Ang tanong saan manggagaling ‘yung pera…?” ayon kay Marcos sa panayam ng reporters.

Sinabi niya na magsisimulang suriin at himayin ng mambabatas ang 2023 General Appropriations Act kapag nagbukas na ang 19th Congress sa Hulyo.

“Maraming travel, training, pagandahan ng office, ihinto na muna ‘yan. Ihinto na muna at magtipid tayo ng konti, tiis-tiisan. Ang tutukan natin job generation,” aniya.

“Yung walang kamatayang travel, training, workshop, bagong building etc, bagong sasakyan, i-review na ‘yan, tanggalin na muna at saka ‘yung mga non-essential na mga vanity projects ika nga, awas muna…” patuloy ng senadora.

Iminungkahi din ni Marcos na kailangan nang makipag-usap ang Pilipinaas sa kapitbansa nito upang makabili ng mas murang produktong langis.

Binanggit niya ang presyo ng gatong sa Tawi-Tawi at Sulu na umaabot lamang sa P60 kada litro dahil nanggagaling ang suplay nito sa Malaysia.

“In the medium term, I suspect that it’s time to talk to a lot of our new partners. New partners, ibig kong sabihin siguro ‘yung mga ibang bansa na pwedeng tumulong sa atin sa oil and sa gasoline product,” aniya.

Sa pangmatagalang programa, kailangan din magpaunlad ng iba pang pagkukunan ng gatong at adhikain sa sustainable renewable source bilang long term solution sa tumataas na presyo ng langis.

“But that’s the long term,” she pointed out.”For the immediate measure, I think it’s important that we look at all that’s available right now,” aniya. Ernie Reyes