Nora Aunor, balik-trabaho na sa TV at pelikula!

Nora Aunor, balik-trabaho na sa TV at pelikula!

September 17, 2020 @ 10:00 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines—Talagang hindi tumitigil ang pagdating ng mga mapanghamong papel kay Nora Aunor hanggang sa mga sandaling ito.

Pagkatapos ng kanyang pagganap sa mga premyado at kakaibang papel sa pelikula, halimbawa’y bilang uliyanin o caregiver o hostess at iba pa, rebelde na dating beauty queen naman ang kanyang bibigyang-buhay.

Ang gagampanan ni Nora ay ang katauhan ni Salud Algabre na isang dating beauty queen mula sa lalawigan ng Laguna na naging mandirigma laban sa pananakop ng mga Amerikano.

Si Algrabe, o mas kilala sa tawag na Henerala Salud, ay namuno sa pangkat ng mga rebelde noong 1935 laban sa mga galamay ng kolonyalismo ng Estados.

Ito ang opisyal na ipinahayag ni Fernando Josef o mas kilala sa tawag na Nanding Josef, isang bituin sa pelikula, tanghalan at telebisyon at kasalukuyang Artistic Director ng Tanghalang Pilipino (TP).

Ayon kay Tata Nanding, siguradong si Nora ang lalabas sa natatanging katauhan ni Henerala Salud.

Ang pelikula ay tatalakay sa pakikibaka ng animnapu’t pitong taong gulang na mandirigma.

Ipoprodyus ito ng Tanghalang Pilipino bagama’t sa una’y maikling pelikula muna pero kinalauan ay gagawin nila itong full-length movie.

“Hopefully, TP, with a partner producer, will eventually, produce the full-length film on this hardly known, fearless Filipina freedom-fighter,” pahayag ni Nanding.

Ang pelikula ay bilang paggunita sa selebrasyon ng 2021 National Women’s Month sa Marso.

Excited na rin si Guy sa paggawa ng proyektong ito pagkatapos ng pagtigil sa bahay ng humigit-kumulang sa pitong buwan.

At the same time ay gigiling na rin muli ang mga kamera ng ‘Bilangin ang Bituin sa Langit’ ng GMA network kung saan siya ang bida.

Sa October ay abala na naman si Ate Guy sa kanyang trabaho. Boy Villasanta


  •  
  •  
  •  

Loading...