Nora, ayaw patulan si Matet!

Nora, ayaw patulan si Matet!

December 7, 2022 @ 6:00 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Magngangawa raw nang magngangawa si Matet de Leon hanggang gusto niya, pero huwag daw siyang umasang papatulan ng kanyang adoptive mother ang kanyang mga hanàsh!

Ito ang nakumpirma ng Remate Online sa isyung paghihimutok ni Matet dahil nakuha raw siyang kumpitensyahin ng Superstar.

Matet maintains that no parent will ever dare compete with his or her child sa larangan ng negosyo.

Pero dahil ampon lang naman daw siya ay hindi big deal kay Nora kung maglabas man ng produktong gourmet tuyo at tinapa, exactly the same line of business na itinatag ni Matet at ng asawa nito.

Casita Estrada ang business name ng kay Matet samantalang Ate Guy’s ang nakalagay sa etiketa ng ibinebentang produkto ng Superstar.

Ayon sa ulat, sinikap daw ng isang media outlet na hingan ng reaksyon si Nora mismo patungkol sa ipinagsisintir ni Matet.

Bigo ang naturang media outlet na makuha ang panig ni Nora.

Katwiran daw ng aktres, malabong patulan nito ang pahayag ni Matet dahil isa raw family matter ‘yon.

If at all ay dapat daw italakay ang isyu among family members.

As for her part, matagal na umanong alam ni Matet ang tungkol sa itinayong negosyo ng ina ngunit pinigilan lang daw nito ang kanyang sarili na magsalita.

Sa halip ay mas pinili ni Matet na magsumbong sa kanyang ate, si Lotlot de Leon.

Ang ikinasama pa ng loob ni Matet ay ang gustong mangyari ng ina na tumulong na lang daw sa negosyo nito sa pamamagitan ng reselling.

Ibig sabihin, mag-aangkat si Matet ng mga produkto ni Nora at tataasan na lang nito ang presyo para tumubo.

Pinalagan ito ni Matet dahil ang katwiran niya, siya ang mas naunang nagnegosyo ng gourmet tuyo at tinapa.

Pinasok daw niya ang negosyong ito sa kawalan ng showbiz work.

Inamin din ni Matet sa hirap na hirap daw silang magkakapatid sa buhay.

Ipinagtapat din niyang nangutang daw siya sa ina pero hindi raw siya pinahiram ng pera.

Niliwanag niya na hindi ‘yun ang dahilan kung bakit masama ang loob niya sa ina. Ronnie Carrasco III