NorthPort naghihintay ng bagong import

NorthPort naghihintay ng bagong import

January 15, 2022 @ 2:07 PM 7 months ago


MANILA, Philippines – Naghihintay pa ang NorthPort sa pagdating ng kapalit na import sa liga kasunod ng pag-alis ni Cameron Forte.

Ayon kay Batang Pier coach Pido Jarencio sa PBA Rush, hinihintay nila ang pagdating sa bansa ni  James Artis na naglalaro pa sa European leagues.  “Waiting na lang ng visa, hoping this week mayroon na,” ani Jarencio.

Si Artis ang napili upang pumalit sa posisyong iiwanan ni Forte na nagtamo ng injury matapos ang dalawang laro sa NorthPort Batang Pier.

Naglaro si Artis sa Pransiya para sa  Chorale Roanne Basket ng nakaraang 2 taon, may average na 11.1 points, 2.7 rebounds at 2.1 assists.

Huli siyang naglaro sa Greece para sa  Ionikos Nikaias at umalis noong November 2021.

Samantala, isa na namang magiting na Pinoy volleyball player ang magpapakita ng talento sa ibang bansa. Lalarga pa-Bahrain si National team standout Jao Umandal pang maglaro bilang import para sa Bani Jamra, bilang ikatlong Pinoy national men’s volleyball team member na maglalaro bilang import sa ibayong dagat.

Sa isang social media post, sinabi ng Virtual Playgound, na may hawak ng career ng dating UST outside hitter na si Umandal ay nakatakdang magtungo ngayon sa Bahrain.

Ang 22-anyos na si Umandal ay naging solidong puwersa ng UST Tiger Spikers sa UAAP at nagsimulang umangat ang career nang pumasok sa national team at nagkamit ng silver medal noong 2019 SEA Games.

Bagamat, bihira lang palaruin ang power hitter sa nakaraang biennial meet, pinalakas ni Umandal ang nationals nang malagay sa 9th place noong 2021 Asian Men’s Club Volleyball Championship.

Unang naging imports nitong pandemic sina Marck Espejo at Bryan Bagunas. Kung saan ang Bani Jamra ang team na nilaruan noong 2020 ni Espejo. Nasa Japan V.League naman ang mga ito ngayon. JC