Norwegian, Chinese nationals arestado ng BI

Norwegian, Chinese nationals arestado ng BI

October 4, 2022 @ 7:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Arestado ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pedopilyang Norwegian na inakusahan sa pang-aabuso sa mga menor-de-edad sa kanilang bansa at isang Chinese national na wanted sa pagpapatakbo sa isang pyramid investment scam.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco inaresto ang dayuhan na si Karstein Kvernvik,  a.k.a. Krokaa Karstein Gunnar, 50, noong Setyembre 24 sa kanyang tinitirhan sa Sameerah Subd., Angeles City, Pampanga ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) habang nitong Set. 23 naman naaresto ang puganteng Chinese na si Fu Qihao, 44 sa Malate Manila.

Isang warrant of arrest ang inisyu sa kanyang public security bureau sa Shanghai, China dahil sa pagpapatakbo ng investment pyramid scam kung saan mismong kababayan nito ang kanyang mga niloko.

Sinabi ni Tansingco na ang dalawa ay ipapa-deport dahil sa pagiging undesirable at undocumented aliens matapos bawiin ang kanilang pasaporte.

Inilarawan ng BI Chief si Kvenvik na isang high profile na pugante na kinasuhan ng multiple sex-related crimes sa Norway.

Base sa nakalap na impormasyon mula sa Interpol National Central Bureau (NCB) sa Maynila na si Kvernvik ay may outstanding warrants of arrest na inisyu ng Salten and Lofoten District Court sa Norway noong Hunyo 20, 2022 kung saan nahatulan ng aggravated sexual assault at engaging sexual activity sa isang menor-de-edad na isang paglabag ng Norwegian laws.

Ang dalawa ay kapwa nakakulong sa warden facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City. JAY Reyes