‘Note verbale’ sa Tsina kasunod ng insidente sa Pag-asa, inihirit ni NSA Carlos

‘Note verbale’ sa Tsina kasunod ng insidente sa Pag-asa, inihirit ni NSA Carlos

November 22, 2022 @ 1:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ni National Security Adviser Clarita Carlos hkay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpadala ng note verbale sa China kasunod ng insidente sa pagitan ng Chinese coast guard at ng  Philippine naval station team malapit sa Pag-asa Island kamakailan.

Sinabi ni Carlos na nagbigay siya ng ilang mungkahi kay Marcos hinggil sa mga posibleng aksyon sa insidente, subalit ang ukol lamang sa note verbale ang maaari niyang ilabas.

“Siguro ‘yung puwedeng i-disclose sa public ‘yung dati nating ginagawa, mag-note verbale tayo sa China,” pahayag niya.

Sinabi ni Carlos na babanggitin sa note ang pulong sa pagitan nina Marcos at Chinese President Xi Jinping sa Cambodia kamakailan, kung saan tinalakay ng dalawang pinuno ang pagtutok sa constructive engagement at critical dialogue.

“Sabihin natin na kakausap pa lang ni Xi Jinping at ni President Bongbong sa Cambodia at doon sila sinabi na talagang tutukuran nila constructive engagement at critical dialogue at ito nangyari naman ito,” aniya.

“Paulit-ulit na lang ito. Ano ba yung katuturan na sinabi ng liderato nila na si Xi Jinping? Wala bang laman yun?,” dagdag niya.

Inihayag pa ni Carlos na itutuloy ng Pilipinas ang pakikipagdayalogo sa China dahil hindi naman magkaaway ang dalawang bansa at bilang konsiderasyon sa economic, cultural, at social relations sa pagitan ng dalawang bansa.

Subalit, umaasa si Carlos na maiintindihan ng China na ang supreme national interest ng Pilipinas ay protektahan ang teritoryo at nasasakupan nito.

Magugunitang nagkaroon ng komprontasyon nitong Linggo sa pagitan ng Philippines’ Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) at Chinese coast guard sa Pag-asa Island matapos “sapilitang” kunin ng huli ang unidentified floating object mula sa una.

Sa parehong araw, naiulat ng mga residente na ilang beses na nakarinig ng pagsabog mula sa isa sa artificial islands ng China malapit sa Pag-asa Island.

Itinanggi naman ng Chinese embassy sa Manila na sapilitang kinuha ng Chinese coast guard ang unidentified object at sinabing dinaan ito sa “friendly consultation.”

Naganap ang mga ito ilang araw bago ang scheduled visit ni United States Vice President Kamala Harris sa Palawan. RNT/SA