Notoryus na akyat-bahay buking sa violet na buhok

Notoryus na akyat-bahay buking sa violet na buhok

March 8, 2023 @ 5:32 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Natukoy ang pagkakakilanlan ng isang notoryus na akyat-bahay na responsable umano sa serye ng pagnanakaw sa Tondo, Maynila dahil sa kanyang kulay violet na buhok.

Madaling araw ng Miyerkules, Marso 8 nang maaresto ang suspek na si Christian Capili sa Brgy. 72, Tondo ang 28-taong gulang na suspek.

Nakita sa kuha ng CCTV camera ng barangay na pasilip-silip ang suspek sa target niyang bahay bago pumasok sa isang compound.

Nang lumabas ay may bitbit nang isang pouch na naglalaman ng P150,000 cash ang suspek.

Agad nagkasa ng follow-up operation ang pulisya matapos humingi ng tulong ang mga biktima hanggang sa nasukol ang suspek.

Nang masukol, hindi na nagawang pumalag nito dahil positibo siyang kinilala dahil sa kulay ng kanyang buhok.

Lumalabas sa imbestigasyon na hindi lang isang bahay ang nalooban niya sa lugar nang marekober sa kaniya ang panibagong P70,000 cash at apat na relo kasama ang umano’y iligal na droga.

Sa reklamo ng lahat na nagpakilalang biktima sa lugar, aabot sa P500,000 ang halagang natangay na pera at ari-arian ng suspek.

Nakatakdang sampahan ng kasong robbery at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek sa Manila City Prosecutor’s Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden