Sindangan, Zamboanga del Norte – Utas sa ikinasang police at military operations ang isang notoryus na lider ng teroristang grupong New People’s Army (NPA) sa bayan ng Sindangan, Zamboanga del Norte.
Pinili umanong makipagsagupa ng suspek na si Edwin Lapinig alyas “Baz” sa halip na sumuko.
Ayon kay Major Ronald Suscano, tagapagsalita ng 1st Infantry Division-Philippine Army, isisilbi sana ang arrest warrant ng pinagsanib na puwersa Zamboanga del Norte Provincial Police Office at ng AFP-Joint Task Group IGSOON subalit agad silang pinasalubungan ng sunod-sunod na putok ng baril ni Lapinig.
Dalawang sundalo naman ang nasugatan sa engkuwentro at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Si Lapinig ay may standing warrant of arrest kaugnay sa kasong multiple murder na inilibas ng Regional Trial Court 10th Judicial Region Branch 16 sa Tangub City.
Itinuturing na kumander ng Platoon BASIL ng Mobile Regional Guerilla Unit (MRGU) ng Western Mindanao Regional Party Committee ng NPA si Lapinig.
Responsable rin umano si Lapinig sa iba’t ibang serye ng pag-atake kabilang ang pagpatay sa dalawang sundalo, pagdis-armas sa mga pulis ng Don Victoriano Chiongbian Municipal Police station sa Misamis Occidental at pagsunog sa ilang heavy equipments sa mga construction company sa Zamboanga Peninsula. (Jeff Gallos)