Notoryus na tulak sa Pateros tiklo

Notoryus na tulak sa Pateros tiklo

July 10, 2021 @ 9:01 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Isang notoryus na lalaking pusher na di-umano’y siga at mahilig gumawa ng gulo sa kanilang lugar ang inaresto ng Pateros police matapos itong mahulihan baril at hinihinalang shabu.

Kinilala ni Pateros police ang inarestong suspect na si Danilo Otis, 41, residente ng Sitio Pagkakaisa Street, Brgy. Sta. Ana, Pateros, Metro Manila.

Base sa report ng Pateros police, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa isang nagwawalang lalaki sa kanilang lugar na na sumisigaw at naghahamon ng away habang mayroong nakaumbok na bagay sa kanyang tagiliran.

Agad na rumesponde ang Pateros police sa Sitio Pagkakaisa Street ngunit ng makita ni Otis ang mga pulis ay mabilis itong tumakbo para tumakas ngunit sa bandang huli ay naaresto din naman ang papatakas na suspect.

Sa ginawang inspeksyon kay Otis ay nakuhanan ito ng isang kalibre .38 rebolber na walang serial number na kargado ng dalawang bala at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Napag-alaman sa imbestigasyon na si Otis ay miyembro ng Vargas criminal group na responsable sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Metro Manila.

Kasalukuyang nakapiit si Otis sa detention facility ng Pateros police habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa kanya.

Binigyan naman ng pansin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Maj. Gen. Vicente Danao Jr., ang Pateros police sa pagkakaaresto sa suspect na kinakatakutan sa kanilang lugar.

“I congratulate our personnel for the swift and successful arrest of this person who is a member of a notorious group responsible for illegal drugs in Metro Manila. We cannot deny that this success is a result of cooperation of our citizens by providing information which we immediately act upon,” ani Danao. (James I. Catapusan)