Noynoy masuwerte pa sa kulong na tambay

Noynoy masuwerte pa sa kulong na tambay

June 26, 2018 @ 6:10 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Di na nahiya iyang si outgoing Ombudsman Conchita Carpio-Morales at magreretiro na lang sa tungkulin, e, paglala­ruan pa ang samba­yanan.

Isang katraydoran sa ba­yan ang pagsasampa ng hawshaw na kasong “usurpation of legislative powers” in violation of Art. 239, Revised Penal Code.

‘Di yan tulad sa isang kahera na nangupit ng 20 pesos sa kaha ng tindahan, hoy!

Kaugnay ‘yan ng iligal na paglalabas ng aabot sa P72B congressionally-appropria­ted public funds noong 2011-2013.

Lumilitaw na kauupo pa lang ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay tumira na sila ng kanyang bagman na si dating budget secretary Butch Abad.

Ibinuwelta nila ang bilyo­-nes na  pondo na nakalaan na para sa iba’t ibang gastusin ng gob­yerno na inaprubahan ng Kongreso sa ila­lim ng taunang General Appro­priations Act (GAA) o an­nual national budget.

Nag-imbento pa ang mga anak ng panotsa ng raket na tinaguriang Disbursement Acceleration Program (DAP) na hindi madaling maunawaan ng ordinaryong mamamayan.

Sinabotahe ni Noynoy ang national budget at kinopo ang mga pondo na nagsilbing “pork barrel” ng ugok na Pa­­-ng­u­lo na galing daw sa “sa­vings.”

Ultimong Supreme Court ang nagdeklarang unconstitutional o labag sa batas ang mga probisyon ng DAP.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na plunder o pandarambong ang krimen na ginawa ng mga ungas na ‘yan pagka­tapos ay “usurpation of legis­lative powers” lang complaint ni Carpio-Morales?

Kung saka-sakali mang mapatunayan na guilty sa ganyang misdemeanor, ma­katikim lang ang mga panotsa na ‘yan ng sermon tulad sa mga nahuhuli ng jaywa­lking.

Masuwerte pa sila sa mga “tambay” na nahuhuling umii­nom sa kalye na nakahubad at nagsusugal na nagpapalipas ng gabi sa kulungan ng pre­sinto.

 

Deadshot Ni Tulfo