NPA commander patay sa engkwentro

NPA commander patay sa engkwentro

March 13, 2023 @ 7:43 PM 3 weeks ago


KALINGA – Kumpirmadong patay na ang Commanding Officer ng Rehiyon Yunit Sentro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee matapos makasagupa ng mga tropa ng 50th Infantry Battalion sa Sitio Babacong, Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga.

Nakilala ang nasawing NPA leader na si Onal Osias Balao-ing alyas Beran, Commanding Officer ng Rehiyon Yunit Sentro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee.

Narekober ng mga sundalo ang bangkay ni alyas Beran matapos ang engkuwentro at dinala sa isang punerarya sa Tabuk City, Kalinga.

Tumungo naman sa punerarya ang mga kamag-anak ng napatay at dito na kinumpirma ang pagkakakilanlan ng labi ng nasabing kumander ng teroristang grupo.

Nakarekober din ang mga sundalo ng dalawang mataas na uri ng baril at mga subersibong dokumento ng mga nakalabang rebelde.

Posibleng magkawatak-watak na ang mga tauhan ng napaslang na kumander hanggang tuluyan pang hihina ang kanilang pwersa.

Sa ngayon ay patuloy na ginagalugad ng mga awtoridad ang kabundukan na pinangyarihan ng engkwentro at karatig na lugar. Rey Velasco