NPA hinuli ng pulisya; Karapatan pumalag

NPA hinuli ng pulisya; Karapatan pumalag

September 6, 2022 @ 10:47 AM 3 weeks ago


BUTUAN CITY –MARIIN pinabulaanan ng Police Regional Office in the Caraga Region (PRO-13) ang akusasyon ng isang grupo na illegal na ang pagkakadakip kay Atheliana “Ka Atel” Hijos, miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) kamakailan sa probinsyang ito.

Matatandaan na inaresto si Hijos ng mga intelligence operatives ng PRO-13 noong Agosto 30 sa Barangay Kinabjangan sa bayan ng Nasipit, lalawigan ng Agusan del Norte.

Sa pahayag ng PRO-13 nitong Lunes, sinabing lehitimo ang operasyon laban kay Hijos kabaligtaran sa pinapalabas ng isang grupo ang Karapatan Caraga.

Sinabi pa ng PRO-13 na si Hijos ang nasa ikaapat na most-wanted na rebeldeng NPA sa Caraga at mayroong standing arrest warrant na inisyu ng mga lokal na korte sa mga kasong murder at serious illegal detention.

Lumalabas sa record ng pulisya, na si Hijos ay kasama sa isang engkwentro ng tropa ng pamahalaan noong Nob. 20, 2019 sa Purok 2, Sitio Kalipayan, Barangay Cuyago, Jabonga, Agusan del Norte na nagresulta sa pagpatay kay Corporal Mario P. Suson,” sabi ng PRO-13.

Dagdag pa rito, kasabwat rin si Hijos sa pagkidnap at serious illegal detention sa isang miyembro ng Civilian Active Auxiliary ng Philippine Army noong Disyembre 29, 2018, sa Barangay Kolambungan, bayan ng Sibagat, Agusan del Sur.

“The PRO-13, under the leadership of Brig. Gen. Romeo Caramat Jr. will continue to go after those persons who have standing arrest warrants, and bring them to the court of justice,” ani pa ng opisyal ng PNP.

Sinisiguro rin ng PRO-13 ang kaligtasan ng lahat ng mga naaresto kabilang ang paggalang sa kanilang mga karapatang pantao./Mary Anne Sapico