NPA ‘killer’ ng 2 sundalo sa Kalinga, arestado sa Apayao

NPA ‘killer’ ng 2 sundalo sa Kalinga, arestado sa Apayao

September 12, 2022 @ 10:12 AM 3 weeks ago


CALANASAN, APAYAO- Bumagsak na sa kamay ng alagad ng batas ang isang miyembro ng komunistang grupo o New People’s Army o NPA na pinaniwalaang sangkot o pumatay sa dalawang sundalo sa Kalinga matapos mahuli ng pinagsanib na pwersa ng Lubuagan MPS, RID-PROCOR, 2nd KPMFC, PIU/DEU-KALINGA kasama ang Kalinga CIDG at RIU 14 sa pakikipagtulungan ng Calanasan Police Station at Apayao Police Provincial Office o APPO sa Barangay Tanglagan, Calanasan, Apayao.

Pansamantalang itinago ang suspek sa alyas na Cris, 49-anyos at residente ng Western Uma, Lubuagan, Kalinga at miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) Baggas.

Isinilbi ng mga pinagsanib na pwersa ng awtoridad ang warrant of arrest sa kasong Murder na inisyu ni Presiding Judge Jerson Eckman Angog RTC, 2nd Judicial Region, Tabuk City, Kalinga na may petsang Disyembre 3, 2021 at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansalamantalang kalayaan.

Matatandaang na-ambush ang kapulisan na ikinamatay ng dalawa na naganap noong April 6,2009 sa Sitio Ag-agama, Western Uma, Lubuagan Kalinga, kung saan sangkot umano ang suspek sa pagkamatay ni Cpl Pantua at PFC Fernando Coloma, kapwa miyembro ng 21st IB, PA.

Pinuri ni PCol. Reynaldo Ogay Jr., Provincial Director ng APPO ang kapulisan ng Calanasan sa matagumpay na operasyon sa pagtugis sa mga kriminalidad sa lalawigan.

Pandamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan. Rey Velasco