NPA na gustong gumanti, nagpasabog sa Davao City, 2 sundalo sugatan

NPA na gustong gumanti, nagpasabog sa Davao City, 2 sundalo sugatan

July 29, 2018 @ 10:55 AM 5 years ago


 

Davao City – Sugatan ang dalawang sundalo matapos pasabugan ng improvised explosive device (IED) sa Sitio Camarag, Baguio District kahapon ng umaga (July 28).

Kinilala ang dalawang sundalo na sina Pfc. Jejomar Judan at Sgt. Enrique Genon, mga miyembro ng 3rd Infantry Battalion ng Philippine Army na under observation at patuloy pa ring nagpapagaling sa Camp Panacan Hospital, ayon kay Senior Insp. Merllito Tubog, hepe ng Baguio District Police.

Ayon sa inisiyal na imbestigasyon, pabalik na sana ang dalawa sa kanilang kampo sa Barangay Calinan mula Barangay Tambobong para kumuha ng supply nang pasabugan ang kanilang sasakyan.

Posible umanong inabangan ang dalawang sundalo sa sinabing ambush site dahil tahimik umano ang lugar. Pinaniniwalaan ding kagagawan ito ng New People’s Army (NPA), na gusto umano gumanti matapos ang pagkamatay ng dalawang miyembro sa isang sagupaan noong Hunyo 28 sa lungsod.

Kinondena ng militar ang rebeldeng grupo dahil sa paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law sa paggamit nito ng IED. Remate News Team