NPA official, patay sa engkuwentro

NPA official, patay sa engkuwentro

May 31, 2022 @ 10:50 AM 4 weeks ago


DARAGA, Albay- PATAY ang isang opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos makipagbarilan sa mga tropa ng pamahalaan Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang namatay na suspek na si Antonio Abadeza o kilala sa mga alyas “Flatop/Alden/Troy,” vice commanding officer ng CPP-NPA sa ilalim ng KP3 PLTN 3, KSPN3.

Batay sa report ng Daraga-PNP, naganap ang insidente sa Barangay Anislag ng nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng sumbong mula sa concerned citizen na may nangingikil sa ilang maliliit na negosyo sa naturang barangay.

Agad na rumesponde sa lugar ang tropa ng militar at pulisya sa naturang lugar at naabutan nila si Abadeza, na nakasakay sa kanyang motorsiklo.

Sinita ng operatiba si Abadeza subalit sa halip na huminto ay pinaputukan pa nito ng baril ang mga awtoridad kaya napilitan gumanti ng putok ang mga ito.

Tinamaan ang suspek sa katawan at dinala sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital], Legazpi City, subalit dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Nakuha ng operatiba sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro ang hindi pa malamang kalibre na armas na may mga bala, extra magazine na may anim na bala, apat na basyo , pitaka na may laman P11,710.00, Yamaha Crypton motorcycle, at iba pang dokumento.

Lumabas rin sa pagsisiyasat ng pulisya na may outstanding warrants of arrest ang suspek sa kasong attempted murder (2 counts), robbery with homicide, at murder./Mary Anne Sapico