NPA patay sa engkwentro

NPA patay sa engkwentro

March 3, 2023 @ 10:45 AM 4 weeks ago


SULTAN KUDARAT- Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang militar, iniulat kahapon sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Lieutenant Colonel John Paul Baldomar, commanding officer ng 37th Infantry Battalion Philippine Army, naganap ang sagupaan sa Sitio Lantong, Barangay Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat.

Sinabi ni Baldomar, nagpapatrulya ang kanilang tropa nang makaengkwentro ang nasa 10 kasapi ng teroristang NPA sa pangunguna ni Joseph Longan alyas Michael, Commander ng Platoon Beijing, SRC Daguma, FSMR sa naturang lugar.

Tumagal ng 30-minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga rebelde at iniwan na lamang ito ng kanyang mga kasama na mabilis na nagsitakas.

Nakapulot ang militar sa lugar ng pinangyarihan ng bakbakan ng 2 M14 rifles, isang 5.56mm Bushmaster Rifle at tatlong backpacks na naglalaman ng mga personal na kagamitan.

Inaalam na ang pagkakakilanlan ng namatay na rebelde habang nagpapatuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng tropa ng pamahalaan laban sa mga nakasagupa ng rebelde sa nasabing lugar. Mary Anne Sapico