NPC lubos na sumusuporta kay Antiporda

NPC lubos na sumusuporta kay Antiporda

November 21, 2022 @ 7:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Lubos na sinusuportahan ng National Press Club of the Philippines si National Irrigation Administration Administrator Benny Antiporda sa mga hakbangin nitong malinis ang kanyang pangalan mula sa paninira ng ilang iskalawag sa nasabing ahensya.

Ayon kay Lydia Bueno, pangulo ng NPC, pinakamalaki at pinakaunang samahan ng mga mamamahayag sa Pilipinas na may mahigit 1,000 miyembro, maituturing na minadali ng Office of the Ombudsman ang suspensyon na may petsang Nobyembre 15, 2022 dahil pinalabas ito ilang linggo lang makaraang sampahan siya ng kaso na hindi man lang niya nakita para sana sagutin bilang bahagi ng due process na kanyang karapatan sa batas.

Idinagdag pa ni Bueno na bilang patunay sa kawalan ni Antiporda ng anomang mantsa sa kanyang pangalan at dedikasyon nitong tumulong sa paglilinis at pagbubuo mismo ng kredibilidad ng NPC sa loob ng nasa dalawang dekada, itinaya mismo ni Antiporda sa napakararming pagkakataon ang kanyang buhay at lubos na pagsasakripisyo.

Maganda umanong malaman mismo ng Ombudsman na makaraan ang Ampatuan massacre noong Nobyembre 2009 na ikinasawi ng 34 mamamayhayag at 18 iba pa, tinanggihan mismo ni Antiporda ang P20 milyong suhol na cash na inalok sa kanya kapalit ng pananahimik ng pambansang samahan ng mga mamamahayag na NPC.

Sa halip, nanguna pa ito sa kampanya laban sa mga gumawa ng karumal-dumal na krimen upang makamit ng mga bikitima ang katarunan.

Isa pa, kung totoo umanong tiwali o korap si Antiporda gaya ng nais na palabasin ng kanyang mga kritiko, bakit tinanggihan at isiniwalat nito ang nasabing suhol?

Nabatid na mismong sa bakuran ng NIA, tinanggihan ni Antiporda ang cash na “pasalubong” sa kanya nang pumasok at magsimulang maglingkod siya nitong nakaraang Pebrero?

Isa umano ngayong malaking katanungan kung ang panunuhol sa anyo ng “cash na pasalubong” na kanyang tinanggihan at tanda ng kanyang malinis na hangarin sa paglilinis sa NIA ang isang dahilan ng paninira at pagtanggal sa kanya.

Sa panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal ng NPC kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Agosto 25, 2022, nasaksihan nila mismo ang pangako ni Antiporda sa Pangulo na kung hindi nito maliliis ang ahensya mula sa kabulukan sa loob ng isang taon at mabigo ang ahensya na gampanan ang pangunahing tungkulin nitong mapatubigan ang mga sakahan ng bansa, siya’y magbibitiw.

Sinabi naman ni NPC Secretary Paul Gutierrez na malaking katanungan ngayon kung ang suspensyon ang kanyang sasapitin kalakip ng nasabing pangako.

Nakalulungkot umanong malaman na habang napakabilis ang OMB na umaksyon para sa kanyang suspensyon, hanggang ngayon ay wala pang naririnig mula rito na balita kung ano na ang ginagawa nito sa dalawa at magkahiwalay na mga kasong graft and corruption na isinampa ni Antiporda laban sa ilang matataas na opisyal ng NIA na sangkot ang mga halagang P206 milyon at P200 milyon.

Sa kabuuan, sentro ngayon ng usapin ang pagiging seryoso at kredibilidad ng pamahalaan sa kampanya nito laban sa graft and corruption.

Kaugnay nito, nanawagan na rin ang NPC sa iba pang mga mamamahayag at organisasyong media na suportahan si Antiporda sa mga pagkilos nito na linisin ang NIA na isang kritikal na ahensya ng gobyerno.

Nanawagan din ang NPC sa Kongreso at kay Pangulong Marcos, Jr na halukayin ang mga usaping nakapaloob sa usapin at upang maituwid na rin ang kawalan ng katarungan kay Antiporda.  RNT