NPC, MPD nagpulong; kaligtasan ng mga mamamahayag tinalakay

NPC, MPD nagpulong; kaligtasan ng mga mamamahayag tinalakay

October 6, 2022 @ 1:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakipagpulong ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa presidente ng National Press Club of the Philippines bilang bahagi ng paghahanda para sa kaligtasan ng mga mamamahayag na nakatatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay. 

Mainit na tinanggap ni NPC President Lydia B. Bueno si Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Andre Dizon kasama si P/Maj. Philipp Ines, spokesperson ng MPD sa kanyang tanggapan sa NPC Bldg., Magallanes Drive, Intramuros, Manila. 

Ang naturang hakbang ay bilang tugon sa mahigpit na kautusan ni PNP Chief Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr. sa mga district director na magsagawa ng “Dialogue and Threat Assessment on Media Personalities” sa mga media organization sa kanilang nasasakupan.

Kasunod ito ng nangyaring pamamaslang sa radio commentator na si Percy Lapid sa Las Piñas City noong Lunes ng gabi.

Ayon kay NPC President Lydia Bueno, ang naturang pagpupulong ay bilang precautionary measures na rin para sa mga media na laging nasa panganib ang kanilang buhay sa kanilang pag-uulat ng mga balita lalo na taong may mga death threat.

Sinabi ni Bueno na bukas ang NPC sa anomang komunikasyon at handang makipag-ugnayan sa kapulisan sakaling may matanggap na anomang pagbabanta sa buhay ang mga mamamahayag na miyembro ng NPC. 

“Sabi ko kay DD, bukas din ang NPC sa anomang komunikasyon sa kanila sakaling may matanggap na anomang pagbabanta sa buhay ng mga kapatid natin sa pamamahayag,” ayon sa presidente ng NPC.

“Sumagot naman si DD na lagi silang handa anomang oras. Sa katunayan, tuloy-tuloy ang kanilang pagpapatrulya kahit dis oras ng gabi para matiyak na gising ang kanilang mga tauhan at handang tumugon sa anomang pangangailangan,” dagdag pa ni Bueno.

Pinayuhan naman ni Dizon ang kanyang mga tauhan na huwag daanin sa emosyon sakaling mabatikos ng media.

Aniya, bilang pulis, kaakibat nito ang salitang maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon.

Natural na umano sa aksyon at pagtupad sa tungkulin ng mga pulis ang mga reaksyon ng mga hindi napapaboran at nasasagasaan kaya hindi dapat daaanin sa emosyon napupuna at sa halip ay sagutin na lamang kung anomang ang mga usapin.

Sinabi rin ni Dizon kay Bueno at ilang miyembro ng Manila Police District Press Corps na kasama sa ginanap na dayalogo na kailangang magkaroon ng close coordination at ipaalam agad sa kanya sakaling may matanggap na pagbabanta sa buhay ang sinomang mamamahayag.

Samantala, inilibot ni Pangulong Bueno sina Gen. Dizon at Major Ines sa gusali ng NPC na isinasaayos bilang paghahanda sa nalalapit na anibersaryo ng pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa bansa, sa darating na Oktubre 28, taong kasalukuyan.  Jocelyn Tabangcura-Domenden