NPC nagbabala vs pananamantala sa mga kabataan

NPC nagbabala vs pananamantala sa mga kabataan

November 26, 2022 @ 11:20 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang  National Privacy Commission (NPC) laban sa mga “online abuse at exploitation” na target ang mga kabataan sa isinagawang  Youth Privacy Advocates Annual Summit.

“Hihimukin nila na magbigay ka ng personal na impormasyon, gagawing ka-close yung mga bata. Ige-gain nila yung trust nung mga nakakausap nilang bata,” ayon kay Public Information and Assistance division of the commission chief Roren Marie Chin.

“Pwedeng mag-start nang manghingi ng mga pictures. Pwedeng explicit na mga pictures ito. Kumpletong address, ang mga contaact information, or hingan din ng mga credit card numbers yung bata,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat,  batay sa  survey na isinagawa ng End Child Prostitution and Trafficking, Interpol, at UNICEF,  tinatayang nasa dalawang milyong kabataan ang naging biktima ng  online sexual exploitation at pang-aabuso noong nakaraang taon.
Natuklasan din sa pag-aaral na 20% ng internet users sa Pilipinas na  may  edad na 12-17 ay nakaranas ng pang-aabuso sa online.

“Syempre natatakot din ako kasi baka mamaya dun siya pumunta sa ibang site na ano. Kaya minsan nililimit ko rin yung kanyang— ‘wag siyang magopen. Alam niya yung limitasyon niya don. Sinabi ko sakanya talaga yon,” ang naging pahayag naman ni  Zenaida Ramos-Sarita, isang magulang.

Dahil dito, pinayuhan ng NPC  ang mga kabataan na umiwas na makipag-usap sa mga  “strangers” sa internet.

Hindi dapat na nagbibigay ang mga ito ng kanilang  personal information at limitahan lamang dapat aniya ang pagbisita sa websites  upang sa gayon ay hindi sila mabiktima ng online abuse. Kris Jose