NPC nakakuha ng kasangga sa PDP-Laban vs Comelec-Rappler poll pact

NPC nakakuha ng kasangga sa PDP-Laban vs Comelec-Rappler poll pact

March 25, 2022 @ 9:16 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Hindi nag-iisa ang National Press Club (NPC), itinuturing na “oldest media organization” sa bansa, sa laban nito kontra memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at news website Rappler Inc.

Ito’y matapos na suportahan ng ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan’s (PDP Laban) senatorial aspirants ang petisyon na inihain ng NPC at dalawang civil society groups, nagsusulong ng writ of mandamus mula sa Korte Suprema para harangin ang Comelec-Rappler deal.

Sinabi ni dating presidential legal counsel at spokesperson, Salvador Panelo na ang MOA ay “an outrageous collusion” sa pagitan ng Comelec at Rappler.

Pinayuhan nito ang poll body na aminin ang pagkakamali at agad na bawiin ang kasunduan upang isalba ito mula sa malaking kahihiyan lalo pa’t ang news website na Rappler ay foreign entity.

“It is (MOA) outrageous because there are reasons why Rappler is said to be the least trusted news organization based on a recent survey,” ayon kay Panelo.

Sa ulat, sinabi ni broadcaster at senatorial aspirant Rey Langit, miyembro ng NPC, na ang MOA ay lumabag sa Saligang Batas at nakabibigat sa gobyerno sabay sabing ang poll body ay hindi dapat na nakagapos lamang sa isang media entity.

Para naman kay House Deputy Speaker Rodante Marcoleta, ang desisyon ng Comelec na suspendihin ang MOA ay unang hakbang tungo sa mas “consultative and bigger collaboration” sa sambayanang filipino upang makamit ang malinis at kapani-paniwalang eleksyon ngayong Mayo 2022.

Bukod sa mga ito, tutol din ang ilang senatorial candidates sa paglagda ng COMELEC ng kasunduan sa Rappler para payagan itong magsagawa ng fact check sa mga pahayag ng mga kandidato gayundin ang paglikha ng precinct finder para sa mga botante.

Isa si senatorial candidate Atty. Harry Roque, ang nagpahayag ng pagtutol sa kasunduan sa pagitan ng COMELEC at Rappler.

Kinuwestyon naman ng isa pang senatorial candidate na si Ibrahim Albani ang nilagdaang kasunduan ng COMELEC at Rappler kaugnay sa eleksyon.

Nangamba ito na baka magkaroon ng dayaan lalo kapag isang foreign entity ang nabigyan ng access sa kumpidensyal na data sa mga rehistradong botante at ng kapangyarihang magpasya sa eleksyon.

Kung ang magiging senador o presidente ay kontrolado ng anumang bansa, tiyak aniya na maghihirap na naman ang sambayanang Pilipino.

Kaya mahigpit ding tinututulan ni Albani ang naturang partnership at dapat walang foreign government gaya ng Amerika na makakontrol sa Pilipinas. Kris Jose