NPC nakidalamhati sa pamilya ng napatay na brodkaster

NPC nakidalamhati sa pamilya ng napatay na brodkaster

October 4, 2022 @ 12:16 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakidalamhati ang National Press Club of the Philippines sa pamilya ng brodkaster na si Percy Lapid na pinagbabaril at napatay ng nakamotorsiklo makaraang banggain ang kanyang sasakyan sa BF Resort Village, Talon Dos, Las Pinas City nitong Lunes ng gabi.

Iginiit ni NPC President Lydia Bueno na nakikiisa ang pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa Pilipinas sa paghahanap ng hustisya sa pagkamatay ni Percival Mabasa, a.k.a. Percy Lapid, dating direktor ng NPC, na kilala sa kanyang programang Lapid Fire.

Sinabi ni Bueno na mariin nilang kinokondena ang pamamaslang na ito kay Lapid na kabilang sa kanilang hanay bagama’t matagal na itong hindi miyembro ng NPC.

Binigyang-diin ng pangulo ng NPC na nakasaad sa Saligang Batas ang karapatan ng bawat mediaman na malayang makapagpahayag ng kanilang saloobin, pananaw at mga kaganapan sa lipunan, at walang sinoman ang dapat pagkaitan ng buhay nang walang due process.

Matatandaan na dakong alas-8:30 ng gabi nang banggain ng isang puting sasakyan ang sasakyang minamaneho ni Lapid saka ito pinagbabaril ng nakamotorsiklo malapit sa kanyang tinitirhan sa Las Piñas City.

Ayon sa ulat ng pulisya, magkasabay na tumakas ang nambanggang sasakyan at gunman na lulan ng kanyang motorsiklo.

Naniniwala ang pamilya ni Lapid na may kinalaman sa kanyang pagiging komentarista ang pagkakapatay sa biktima. RNT