NPC umaasang makakamit ang hustisya para kay Percy Lapid

NPC umaasang makakamit ang hustisya para kay Percy Lapid

October 18, 2022 @ 5:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umaasa ang National Press Club of the Philippines (NPC) na tuluyan nang makakamit ng pamilya ng beteranong brodkaster na si Percy Lapid ang hustisya sa kanyang pagkakapaslang.

Sa inilabas na pahayag ni NPC President Lydia Bueno kaugnay sa kaso, makakatulong ang pagsuko ng gunman na kinilalang si Joel Estorial para sa tuluyang ikalulutas ng naturang kaso.

Pero, aniya hindi pa rin dapat makampante ang lahat dahil hindi pa rin tuluyang nahuhuli kung sino ang nasa likod o mastermind sa nasabing krimen.

Sa naging pahayag ni Estorial, sinabi niyang galing sa loob ng New Bilibid Prison ang kumontrata at nag-utos sa kanya na ipapatay si Lapid kapalit ng halagang P550,000.

Ngunit ayon kay Bueno, kailangan pa rin ng masusing imbestigasyon sa iba pang detalye na may kinalaman dito para matukoy ang totoong mastermind.

Sa tulong ng mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Bureau of Corrections na pinamumunuan ni Director General Gerard Bantag, ni Sec. Benhur Abalos, ng Department of Interior and Local Government, Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice at General Rodolfo Azurin, Jr., ng Philippine National Police ay malaki ang pag-asa ng NPC na masusukol at matutukoy din ang iba pang mga salarin. Jocelyn Tabangcura-Domenden