NPD DIRECTOR NAGHAMON NG 95-K  RUN SA MGA BIGATING PULIS

NPD DIRECTOR NAGHAMON NG 95-K  RUN SA MGA BIGATING PULIS

March 9, 2023 @ 12:47 PM 2 weeks ago


PHYSICAL fitness ang isa sa malaking problemang kinakaharap ng puwersa ng pulis, hindi lang dito sa Metro Manila, kundi sa buong bansa.

Hindi kasi maitatanggi na maraming miyembro ng pulis lalo na yung mga antigo na sa serbisyo, ang lumolobo ang tiyan at sumosobra sa tamang timbang na dapat ay katumbas ng kanilang edad at taas.

Hindi natin alam kung sadyang lumalakas lang kumonsumo ng pagkain ang mga pulis na lumolobo ang tiyan o sobra sa pag-inom ng alak pero alam naman din nila na bukod sa hindi magandang tingnan, may masama pang impresyon ang ganitong pigura ng mga bondat na pulis sa mata ng publiko kahit wala silang ginagawang iligal na aktibidad o kahit tumutupad pa nang maayos sa sinumpaang tungkulin.

Kaya kung inyong matatandaan, noong panahong si Senator Panfilo “Ping” Lacson pa ang hepe ng Philippine National Police  inatasan niya ang mga pulis na dapat ay hindi na hihigit pa sa 34 inches ang sukat ng kanilang beywang kaya halos araw-araw ay nagsasagawa ng physical fitness program ang lahat ng puwersa ng pulis sa buong kapuluan.

Pero kahit marami ang lumiit  ang tiyan, marami pa rin ang hindi nakasunod sa panuntunang ipinairal ni Lacson kaya inulit na muli ito sa panahon naman ni PNP Director General Nicanor Bartolome, Jr. noong taong 2012. Nagbanta pa nga siya sa mga pulis na ang hindi makatatalima sa tamang panuntunan at sobra-sobra sa timbang ay sisibakin sa serbisyo dahil ang trabaho aniya ng mga pulis ay kinakailangan ang pagkakaroon ng wastong pigura ng katawan para makahabol sa mabibils tumakbong mga kriminal.

Nitong nakaraang linggo, inamin naman ni Northern Police District director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. na mahigit sa kalahati ng kanilang puwersa na sumasakop sa mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ay pawang mga sobra sa timbang o obese. Hindi naman itinago ni Penones na isa siya sa mga opisyal na sobra sa tamang timbang kaya inilunsad niya ang hamon sa mga pulis na lumahok sa 95 kilometrong pagtakbo upang maabot ang wastong sukat ng beywang at tamang timbang.

Siyempre, hindi naman diretsong tatakbuhin ng mga pulis ang 95-kilometro kundi tatlong kilometro lamang kada araw sa loob ng isang buwan. Sabi ni Penones, may 1,659 na mga tauhan at opisyal ng NPD ang sobra sa tamang timbang na kumakatawan sa 50.04 na porsiyento o mahigit sa kalahati ng buo nilang puwersa, kabilang na siya dito.

Hindi ikinaila ng magaling na opisyal na mula ng maupo siya bilang director ng NPD noong Agosto, 2022, sumobra na sa halos limang kilo sa kanyang dating timbang na 69 kilos ang kanyang bigat na umabot na sa 74 kilos.  Hindi naman niya naipaliwanag kung bakit bumigat ang kanyang timbang pero bulong sa atin ng mga “maritess” sa NPD, masarap daw magluto ng pagkain ang cook na namamahala sa tanggapan ng District Director kaya siguro medyo bumigat ang timbang ni Sir.

Sa kasalukuyan, may 186 na opisyal sa CAMANAVA ang tumanggap sa hamon ng butihing Heneral na tumakbo ng tatlong kilometro araw-araw sa loob ng isang buwan upang maging magandang halimbawa sa mga pulis ang magtrabaho ng may magandang pangangatawan.

Kaya lang, baka tulad nang unang isinulong nina Lacson at Bartolome,  maging “ningas-kugon” lamang ito lalo na’t ang isa sa talagang mahirap gawin ay ang magpaliit ng tiyan.

Aba, ang sarap yatang kumain lalo na kung libre, at lalong masarap ang uminom ng alak kapag masarap ang pulutan at siyempre, kapag me sponsor din.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.