NTC sa  mobile phone makers, sellers: Users turuan kung pa’no gumamit ng text blocking feature

NTC sa  mobile phone makers, sellers: Users turuan kung pa’no gumamit ng text blocking feature

September 15, 2022 @ 11:52 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inatasan ng  National Telecommunications Commission (NTC) ang mobile phone makers at sellers na turuan ang mga  users  kung paano gumamit ng  text blocking features sa kanilang  device.

Ito’y matapos ang makailang ulit na direktiba sa telcos na balaan ang publiko laban sa  text scams.

Sa ipinalabas nitong Memorandum Order No. 006-09-2022, may petsang September 14, inatasan ng NTC ang lahat ng  mobile phone manufacturers, distributors, at dealers na magpatupad ng mga hakbang para ipaalam sa publiko ang ukol sa “protective mobile phone features”

 Kabilang sa mga nasabing hakbang ayon sa NTC ay bigyan ng direksyon ang mobile phone users kung paano i-block ang texts mula mobile numbers  na hindi kasama sa kanilang  contact lists at kung paano gagawa ng spam folder sa kanilang  inboxes.

“These directions shall be disseminated through the manufacturer’s websites and social media accounts (i.e. Facebook, Instagram, etc.),” ayon sa NTC.

Kasama rin sa hakbang ang maglagay ng posters sa kanilang  physical stores para turuan ang kanilang  mobile phone buyers kung paano gamitin, enable o i-activate  ang  text blocking, spam folder at  iba pang kahalintulad na features sa kanilang telepono.

Isama sa bawat bagong mobile phone package ang isang  insert o leaflet na naglalaman ng direksyon kung paano gamitin,  enable o i-activate  ang  text blocking, spam folder at iba pang kahalintulad na  features sa kanilang  telepono.

Sinabi ng  NTC  na ang pinakabagong  memorandum ay dinebelop  matapos na magsagawa ito ng industry-wide meeting noong Setyembre 13 kung saan nagkaisang ipinahayag ng mga kinatawan ng  mobile phone manufacturers, distributors, at dealers na ang kanilang  mobile phones ay may iba’t ibang features na maaaring protektahan ang mga users mula sa text scams, gaya ng “blocking of unknown numbers and/or diverting said messages to folders similar to spam folders.”

Ipinag-utos din ng NTC ang agarang implementasyon ng hakbang sa loob ng 15 araw mula ng ipalabas ang  memorandum order.

Ipinaalam din ng  NTC  sa  mga  manufacturers, distributors, at dealers” na  “the above shall form part of the “mandatory requirements for type approval/acceptance and related permits for customer premises equipment, particularly mobile phone products filed before the Commission.”

Nauna nang ipinag-utos ng NTC sa  telcos na i-deactivate ang  clickable Uniform Resource Locators (URLs), links, at quick response (QR) codes sa text messages sa gitna ng  malaganap na  text scams.

Samantala, sinabi naman ni  Special Advisor to the NTC Commissioner Edgardo Cabarios  na ang blocking links ay makababawas ng  tsansa sa mobile subscribers na mabiktima ng  scam. Kris Jose