NTC sa telcos: Publiko balaan sa text scam na nag-aalok ng trabaho

NTC sa telcos: Publiko balaan sa text scam na nag-aalok ng trabaho

November 24, 2021 @ 2:23 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang telcos na magpadala ng text blast sa kanilang subscribers para balaan tungkol sa text spam o umano’y alok na trabaho.

Sa gitna ito ng mga ulat na kalat na kalat na ang mga ganitong SMS messages.

Sa memorandum order na may petsang Nov. 19 na nilagdaan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, inatasan ang Digitel Mobile Philippines, Globe Telecoms, Dito Telecommunity, at Smart Communications na magpadala ng text blast na naglalaman ng mensahe na:

“BABALA! Huwag maniwala sa text na diumano’y nag-aalok ng trabaho. Huwag po magbigay ng personal na impormasyon. Ito po ay isang scam,” saad sa liham ng NTC.

Pinagsusumite rin ng komisyon ang telcos ng ng report of compliance bago o pagsapit ng Dec. 14.

Ginawa ng NTC ang direktiba makaraang libo-libong users ang nagbahagi ng text messages o emails tungkol sa alok na trabaho na tinawag ng mga otoridad na scam. RNT