NTC sa telcos: Publiko, balaan vs text scams

NTC sa telcos: Publiko, balaan vs text scams

May 28, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang telecommunications companies na mag-isyu ng alerts laban sa spam text messages na nag-aalok ng mga trabaho na may mataas na sahod.

Sa ipinalabas na abiso nitong Biyernes,  inatasan ng NTC ang telco firms na Globe, Smart at DITO na mag-send ng text blasts sa kanilng subscribers mula Mayo 28 hanggang Hunyo 4, 2022 na may mensaheng: “Babala: Huwag pong maniwala sa text na naga-alok ng trabaho na may pangako ng malaking sweldo, ito po ay scam.”

Binigyan ng palugit ang telcos hnggang Hunyo 8, 2022, upang makapagsumite ng kanilang compliance report, ayon sa commission.

Ipinag-utos din ng NTC sa regional directors at officers-in-charge na lumabas sa local radio at television stations upang abisuhan ang publiko laban sa fraudulent text scams mula Mayo 28 hanggang Hunyo 11, 2022. Mayroon naman silng hanggang Hunyo 15, 2022 para magpasa ng compliance report.

Nauna nang nagbabala ang technology experts laban sa spam messages, at sinabing nagpapasa ang scammers ng mga ganitong mensahe upang makakuha ng personal n detalye ng mga biktima.

Matatandaang nitong Abril ay hindi nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang mandatory registration ng lahat ng SIM cards at social media accounts, dahil nangangailangan pa umano ito ng mas masusing pag-aaral. RNT/SA