NTC sa telcos: Publiko muling balaan vs text scams

NTC sa telcos: Publiko muling balaan vs text scams

August 31, 2022 @ 7:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Muling ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunications companies na magpalabas ng babala sa publiko laban sa mga  scam text messages.

Sa pagkakataon ngayon ayon sa NTC ay naglalaman na ng pangalan ng mga subscribers.

Sa isang memorandum, may petsang Agosto 26, inatasan ng NTC ang mobile network service providers DITO Telecommunity, Globe Telecom, at Smart Communications na mag- text blast sa kanilang subscribers mula ngayong araw ng Miyerkules, Agosto 31 hanggang Setyembre  6, 2022  ng sumusunod na mensahe:

“BABALA. HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN NA NAG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM.”

Nagpalabas ang  NTC  ng kahalintulad na kautusan noong buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo.

Sa pagpapalabas ng  pinakabagong kautusan, sinabi ng telecommunications regulator  na  “the proliferation of fake job text, lucky winner, and similar money scams targeting the general public has persisted over the month of August across telecommunications networks in the country with the latest including the name of the recipient.”

Sa ulat, muling pinaalalahanan naman ng mga awtoridad at eksperto ang publiko na huwag mag -overshare ng  personal information sa online at maging maingat sa pagsagot sa mga scam texts dahil ang  personal information ng subscribers ay nakararating sa scammers sa pamamagitan ng  data breaches  na nabibili sa dark web.

Inatasan din ng NTC ang telcos  na pabilisin ang proseso ng pagba-block ng SIM cards na ginagamit upang maipagpatuloy ang panloloko at mapahusay pa ang pagme-mensahe ng kani-kanilang  public information campaigns kontra sa bagong variants ng  text scams.

Ang Telcos  ay binigyan ng hanggang Setyembre  9 para magsumite ng kanilang written reports ng kanilang pagsunod sa NTC.

Samantala, ipinag-utos naman ng  telecommunications regulator sa kanilang  regional directors at officers-in-charge na magpakita sa local radio at television stations sa kani-kanilang hurisdiksyon para balaan ang publiko laban sa nagpapatuloy na  text scams mula ngayong araw,  Agosto  31 hanggang Setyembre  6 at ipagpatuloy ang kani-kanilang local public information campaigns para turuan ang publiko hinggil sa text scams.

Mayroon naman ng hanggang Setyembre 9 ang mga regional directors at officers-in-charge  para magsumite ng kanilang “compliance reports”. Kris Jose