NTF-ELCAC: ATL, ‘dynamic law’ ng Pinas

NTF-ELCAC: ATL, ‘dynamic law’ ng Pinas

December 14, 2021 @ 9:24 AM 10 months ago


Manila, Philippines- Malaking tagumpay para sa Pilipinas ang desisyon ng Korte Suprema na naaayon sa saligang batas ang Anti-Terrorism Law (ATL) para magkaroon ng isang “dynamic law” na tutumbas sa mga batas ng ibang bansa na panlaban sa terorismo at proteksyon para sa karapatang pantao.

Ito ang tinuran ni Assistant Solicitor General Angelita Miranda sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Lunes.

Inihayag ni Miranda na ang desisyon ng Korte Suprema na payagang maging batas ang Republic Act 11479 o’ Anti-Terrorism Act of 2020 ay tagumpay ng bansa at ng Filipino.

“The final arbiter has finally spoken. The ruling exhibits the Supreme Court at its finest. It is a victory of the Republic and the victory of the people,” ang sabi ni Miranda.

Kanya ring tinuligsa ang pagpapakalat ng iilang sektor na ang ATL ay idineklarang  ‘unconstitutional’, ng Supreme Court.

Aniya, ang desisyon ng SC ay nagtanggal lang ng dalawang “collatila” o mga kondisyon. At sa hatol na ito ng SC, pahayag ni Miranda, ang Anti-Terrorism Council (ATC) ay inarmahan na ng batas na maaaring magtalaga o magbansag sa sinomang grupo o indibidwal na may may kaugnayan sa mga terorista. Magiging bala rin ito aniya sa mga magtatangkang gumawa ng terroristic acts.

“It (SC Rule) also served as a stern warning, to those who sow terror or plan to carry out terroristic acts to derail the country’s democratic form of living,” ang sabi ng Assistant Solicitor General.

Sa parte naman ni Undersecretary Severo Catura, Executive Director ng Presidential Human Rights Committee Secretariat, at NTF-ELCAC spokesperson sa International Affairs, Peace Process at Human Rights Concerns, ang batas ay may kaakibat na mga proteksyong pangkarapatang pantao at hindi kinakailangan alalahanin ng karamihan.

Ito umano ay kailangang malaman ng lahat dahil sa sari-saring ‘fake news’ ang pinalalabas ng ibang ayaw sa ginagawa ng pamahalaan laban sa terorismo.

Ang batas umano’y may mga probisyong nagbibigay ng seguridad sa kapakanan ng karapatang pantao ng lahat na mapaghihinalaang may kaugnayan sa mg terorista.

Tanging ang hindi nakaiintindi o ayaw intindihin ang bagong batas laban sa terorismo ay ang Makabayan Bloc sa Kongreso, ayon naman kay Undersecretary Lorraine Badoy, tagapagsalita ng NTF-ELCAC sa larangan ng Social Media at Sectoral Concerns.

Tanging kasinungalingan lang umano ang alam ipakalat ng “Kamatayan Bloc” dahil sila ay mga mismong miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front.

Patunay umano ang desisyon ng Korte Suprema na katotohanan pa rin ang mananaig laban sa mga kasinungalingan ng mga komunistang-terorista na nalalapit na ang pagtatapos ng kanilang 53 taon na panggugulo sa bansa.

Ang inihaing Motions for Reconsideration ng Makabayan Bloc, aniya, ay isang paraan lang upang pabagalin ang pagpapatupad ng bagong batas laban sa terorismo at pagaaksaya lamang ng oras para sa mga mahistrado ng SC.

Sinegundahan naman ito ni Miranda, na maging sila ay umaasa na talagang maghahain ng MR ang maka-kaliwang grupo. Ngunit sa tinamong 99 percent na panalo ng pamahalaan sa pamamagitan ng maigting na kampanya ng NTF-ELCAC, ang natitirang one percent na tiyansa upang magbago pa ang desisyon ng mga mahistrado ng SC ay malabo nang mangyari. RNT