NTF-ELCAC chief, NegOr gov, Palace photogs nanumpa sa serbisyo kay PBBM

NTF-ELCAC chief, NegOr gov, Palace photogs nanumpa sa serbisyo kay PBBM

October 6, 2022 @ 7:12 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin ni retired Lt. Gen. Emmanuel Salamat bilang executive director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ibinahagi ni Pangulong Marcos ang ilang larawan ng mass oath-taking ceremony na isinagawa sa President’s Hall sa Malacañan Palace sa Maynila.

Buwan ng Hulyo nang italaga ni Pangulong Marcos si Salamat bilang executive director ng NTF-ELCAC National Secretariat.

Ang NTF-ELCAC, itinatag sa bisa ng Executive Order 70 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa 2018, ay may mandato na isulong ang “whole-of-nation approach to counter communist insurgency and attain inclusive and sustainable peace.”

Bago pa ang kanyang bagong posisyon, nagsilbi si Salamat bilang board member ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Si Salamat, bago pa ang kanyang retirement mula sa military service, ay nanguna sa Tarlac-based Northern Luzon Command.

Maliban kay Salamat, nanumpa rin sa kanyang tungkulin si Negros Oriental Governor Roel Degamo.

NegOr Governor De Gamo

Si Degamo, isang reelectionist governor, ay pinroklama bilang duly-elected governor ng Negros Oriental province matapos na ang boto ng dating proklamadong nanalo na si
Pryde Henry Teves ay inilipat sa kanya (Degamo) at ibinilang pabor sa kanya.

Samantala, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang oath-taking ng “new set of officers” ng Malacañang Cameramen Association (MCA) at Presidential Photojournalists Association (PPA).

Sa isang Facebook post, kumpiyansang inihayag ni Pangulong Marcos na magagampanan nina Salamat, Degamo, at mga opisyal ng MCA at PPA ang kani-kanilang mga tungkulin “with excellence and integrity.”

“Nagpapasalamat tayo sa kanilang dedikasyon at umaasang buong husay at katapatan nilang gagampanan ang kanilang tungkulin para sa bayan,” aniya pa rin.