NTF ELCAC: ‘Di political prisoner si Juanito Itaas

NTF ELCAC: ‘Di political prisoner si Juanito Itaas

January 12, 2022 @ 8:13 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Salungat sa mga nakaliligaw na balita, hindi isang “political prisoner” si Juanito Itaas, isa siyang mamamatay tao na miyembro ng New People’s Army na nahatulang mabilanggo ng habambuhay.

Ito ang paglilinaw at pagtatama ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga naunang naglabasang balita sa paglaya ni Itaas noong nakaraang linggo (Enero 7, 2022).
Ayon sa NTF-ELCAC, si Itaas ang pumatay kay US Army Col. James N. Rowe noong April 21, 1989.

Ani NTF-ELCAC spokesperson for Mass Media Engagements and Fact-Checker Undersecretary Jose Joel Sy Egco, na isa ring mamamahayag sa halos tatlong dekada nang serbisyo, kailangang pag-ingatan ng sinomang nagbabalita na tawaging “political prisoner” si Itaas, dahil napatunayan siya ng Quezon City Regional Trial Court Branch 88 na talagang pumatay kay Rowe na noon ay deputy commander ng Joint US Military Advisory Group (JUSMAG).

Ayon kay Egco, ang hatol na iyon ay kinatigan pa ng Korte Suprema nang iapela ang kaso sa kataas-taasang huhuman sa bansa, na naglabas ng desisyon noong August 25, 2000.

“Inambush at pinatay ni Itaas si US Army Col. Rowe dahil sa pagtulong nito sa pamahalaan na sugpuin ang mga komunistang-terorista nang mga panahong iyon. Hindi kailanman naging aktibista o napabilang sa isang lehitimong partido politikal si Itaas. Siya ay isang mamamatay tao ng NPA,” paliwanag ni Egco.

Sinabi naman ni Undersecretary Lorraine Marie T. Badoy, taga-pagsalita rin ng NTF-ELCAC para sa mga Sectoral Concerns, wala naman talagang maituturing na political prisoner dito sa Pilipinas dahil umiiral ang demokrasya sa bansa kung saan ang lahat ay malaya at may karapatang pumili ng kanyang pulitikal na paniniwala.

Dagdag ng opisyal, si Itaas ay miyembro ng NPA SPARU— “SPECIAL PARTISAN ARMED UNIT” na inutusan ng komunistang-teroristang samahan na Communist Party of the Philippines (CPP) na likidahin si Rowe noong 1989.

“For this heinous crime he was tried, found guilty then sentenced to reclusio perpetua,” ang paliwanag ni Badoy.

“Para sa kapakanan at kaalaman ng bawat Filipino, kailangang biniberipika ng bawat mamamahayag ang kanilang mga datos bago ibalita ang nasagap na impormasyon. Dahil kung ‘di nila ito ginagawa, malaking pagkakamali ito. Maililigaw ang lahat ng makaka-alam o makasasagap ng kanilang balita. Huwag tayong padadala sa mga propaganda ng mga komunistang-terorista na inilalarawan si Itaas bilang political prisoner. Siya ay isang terorista at mamamatay tao. Isang bayani ng digmaan ang kanyang pinatay,” paalala ni Egco sa mga kabaro.

Matatandaang naaresto si Itaas noong August 27, 1989 sa Davao City. At noong February 27, 1991, nahatulan ng QC RTC 88 ng habang buhay na pagkakabilanggo dahil sa pagpatay kay Rowe at kasong frustrated murder sa pagkakasugat sa driver ng biktima na si Joaquin Vinuya noong April 21, 1989.

“Bilang dati ring ‘cadre’ ng CPP-NPA-NDF, alam ko ang motibo ng mga komunistang-terorista at ng mga front organizations nila, ang makapanakot, mapahinto ang kaunlaran, sirain ang demokratikong proseso, pagabgsakin ang pamahalaan upang mailagay ang bansa sa ilalim ng mapang-aping komunismo. Hindi dapat sumasakay ang media sa mga ganitong uri ng mga pakulo. At lalong-lalo nang hindi dapat paniwalaan ang mga pakana ng mga teroristang-komunista,” bilin ni Egco. RNT