NTF-ELCAC nagbabala sa mga kandidatong bibigay sa ‘permit-to-win’/permit to campaign ng CPP-NPA-NDF

NTF-ELCAC nagbabala sa mga kandidatong bibigay sa ‘permit-to-win’/permit to campaign ng CPP-NPA-NDF

May 4, 2022 @ 4:00 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Nagbabala nitong Martes ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga kandidato, nasyunal man at lokal, na maaari silang madiskwalipika kung bibigay sila sa ‘permit-to-win’ at ‘permit to campaign’ ng mga komunistang-terorista.

Ipinatutupad ito ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front, tuwing halalan upang magkamal ng pondong panlaban sa pamahalaan.

Subalit, idineklara na kamakailan ng Commission on Elections na “iligal” ang gawaing ito.

Sinaluduhan na nga ni National Security Adviser at  NTF-ELCAC Vice-Chairperson,  Secretary Hermogenes C Esperon, Jr., ang Comelec sa hakbangin nito para mapanatiling malinis at payapa ang darating na halalan, sa pagsasawata ng mga masamang gawain ng CPP-NPA-NDF.

“Nagdeklara na ang Comelec. Ang PTW at PTC ay pangingikil ng CPP-NPA-NDF at ng kanilang mga kaalyadong front organizations, kaya’t bawal na bawal ito at iligal na gawain,” paliwanag ni Esperon.

“Walang puwang ang CPP-NPA-NDF na maki-alam sa proseso ng ating halalan. Ang mga teroristang ito ay hindi kailanman dapat pinapayagang dungisan ang karapatan nating mga Filipino sa pagpili ng ating mga lider. Sinasamantala nila ang eleksyon para kumita ng limpak na salapi na gagamitin din nilang panglaban sa pamahalaan,” dagdag pa ni Esperon.

Kanya ring pinagdiinan na sinomang kandidato na magbabayad ng PTW o ng PTC sa mga CPP-NPA-NDF at mga front organization nito ay “mananagot sa malaking pagkakasala sa taumbayan, dahil labag ito sa Saligang Batas.”

Mababahiran nito ang alala ng mga nagbuwis ng buhay nating mga kababayan para lang labanan ang paghahari-harian ng CPP-NPA-NDF sa ating mga kanayunan.

Nasasaad sa Comelec Resolution No. 22-0179, na ang ganitong paraan ng mga kandidato ay itinuturing na  ‘vote buying’ at pamimilit sa mga botante o ‘voter coercion’. Isang malaking paglabag sa halalan na pinarurusahan sa ilalim ng Section 261 (a) at (e) ng Omnibus Election Code.

Nilinaw ng Comelec sa resolusyon nito, na ang pagbabayad ng PTW at PTC sa mga CPP-NPA-NDF ay para na ring pagbili ng boto ng kandidato at maaari nilang ika-diskwalipika, na nakasaad sa Section 68 (a) at (b) ng Omnibus Election Code.

Ang pagbabayad ng PTW o PTC sa CPP-NPA-NDF o sa mga front organization nito, ay itinuturing na rin pagpopondo sa mga gawain ng mga komunistang-terorista, na may kaukulang kaparusahan sa ilalim ng  Section 4 ng R.A. No. 10168 o ang Anti-Terror Financing Act of 2012 at R.A. 11479, Section 12 ng Anti -Terror Act of 2020.

Kung sakaling manalo at naiboto ang kandidato, nasasaad din sa COMELEC resolution na maaari siyang di paupuin sa pwesto. At ang CPP-NPA-NDF ay papapanagutin dahil sa ‘vote-selling’ bukod sa kanilang pangingikil. Ito ay maituturing na rin bilang parte ng terorismo.

Sa pagtataguyod na dapat ay nasusunod palagi ang batas, ang NTF-ELCAC ay nakatuon sa pagpapairal ng mga batas maging sa panahon ng halalan. Kaya naniniwala si Esperon na nalalapit na din ang pagwawakas ng mga CPP-NPA-NDF at ng kanilang mga front organization.

Naisama na rin ng America,  European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at maging ng Pilipinas Philippines ang CPP-NPA-NDF sa listahan ng mga terorista. RNT