NTF-ELCAC: Pagpasa ng Human Rights Defenders Bill huling baraha ng CPP-NPA-NDF

NTF-ELCAC: Pagpasa ng Human Rights Defenders Bill huling baraha ng CPP-NPA-NDF

January 25, 2022 @ 12:27 PM 8 months ago


Manila, Philippines-Ibinisto ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict na ang tunay na layunin ng pagpasa ng House of Representatives sa Human Rights Defenders Bill ay huling baraha na ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front.

“The approval of Congress of the House Bill 10576 or the Human Rights Defenders Protection Act is part of the desperate move of the CPP-NPA-NDF,” ang tinuran ni Under Secretary Severo Catura, taga-pagsalita ng NTF-ELCAC para sa larangan ng International Affairs, Peace Process at Human Rights Concerns.

Sa lingguhang ‘virtual’ na talakayan ng task force, sinabi ni Catura na ang panukalang batas ay isang propaganda din lang para makaakit ng “international observers,” para makahingi ng mga donasyon ang mga nagpapanggap na human rights defenders na mga mambabatas sa Kongreso at “makaloko.”

Ayon kay Catura, pinapayagan sa naturang panukala ang panghihingi ng mga organisasyon ng pera sa abroad, gaya ng dati nang ginagawa ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kongreso habang nagpapanggap na sila ay mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao.

Ito umano’y talagang ginagawa na ng mga miyembro ng Makabayan Bloc, upang ipinta ang image ng gobyerno na walang ginagawa para ipagtanggol ang karapatang pantao.

Dagdag pa ni Catura, gagamitin lang ng Makabayan Bloc ang batas upang ikubli ang naghihingalong sitwasyon ng rebelyon ng kanilang komunistang-teroristang samahan.

Paliwanag ni Catura ang mga karapatang binabanggit sa panukala ay sinasaad na sa Saligang Batas at ‘di na kailangan pa sa rami ng mga nauna nang batas hinggil sa karapatang pantao.

“They will use the law to accomplished their objective. To put the government under communism which we have been fighting for over 50 years,” sabi naman ni National Intelligence Coordinating Agency Director General Alex Paul Monteagudo.

Dagdag pa ni Monteagudo, sinamantala ng Makabayan Bloc ang pagkukumahog ng mga mambabatas na maipasa ang lahat ng nakabinbin pang panukala dahil sa parating na ‘break’ dahil sa eleksyon.

Samantala, sinabi naman ni Undersecretary Lorraine Marie T. Badoy, tagapagsalita ng NTF-ELCAC para sa Sectoral Concerns, na ‘di titigil ang task force na tapusin na ang naghihingalong pwersa ng CPP-NPA-NDF at ang mga miyembro nila sa Makabayan Bloc.

Binasa rin ni Badoy ang opisyal na pahayag ng NTF-ELCAC na kumukondena sa pagkakapasa ng panukala sa Kamara. RNT