NTF nagbabala sa nagpapabakuna vs COVID;  labis na dose hindi pasok sa indemnity fund

NTF nagbabala sa nagpapabakuna vs COVID;  labis na dose hindi pasok sa indemnity fund

November 28, 2021 @ 12:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagbabala si National Task Force Against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa nitong Linggo na hindi saklaw ng indemnity fund ang mga nagpapabakuna higit sa kinakailangang dose ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine.

Sa panayam sa dzBB, sinabi ni Herbosa na ilang indibidwal ang nagpapaturok ng karagdagang dose kahit wala pang anim na buwan mula nang maturukan sila ng second dose ng COVID-19 vaccine.

“Nakakatanggap tayo ng reports na ‘yan. Ang malungkot, natatanggap namin hindi sa vaccination center. Natatanggap namin sa mga indibidwal na nagawa ‘yan. Ibig sabihin naisahan nila ang sistema. Nakapagbakuna sila by declaring na unvaccinated sila,” pahayag ni Herbosa.

“‘Yung iba less than six months nagpapabakuna na,” dagdag pa niya.

Ito ang naging reaksyon niya sa mga ulat na ilang fully vaccinated na mga tao ang idinedeklarang hindi pa sila nababakunahan para lamang maturukan ng ibang brand ng COVID-19 vaccines.

Paliwanag ni Herbosa, ang saklaw lamang ng indemnity fund, na kompensasyon sa mga makararanas ng side effects mula sa bakuna, ay ang mga nagpaturok ng pinapayagang dose ng COVID-19 vaccine.

Sa kasalukuyan, ang pinapayagan palamang ng gobyerno na magpaturok ng booster shot ay ang mga senior citizen, health workers, at mga taong may comorbidities. 

“Kapag naospital sila at namatay sila, may nakalaan tayong indemnity (fund) para sa mga kababayan natin…. Pero kapag ikaw ay kumuha ng tatlo o apat na bakuna, denied na ‘yun claim na ‘yun, wala,” giit ni Herbosa.

Inulit din ni Herbosa na epektibo lahat ng bakuna laban sa naturang virus, kahit na ano pang brand nito. RNT/SA