Nuisance candidate nais panagutin ng Comelec

Nuisance candidate nais panagutin ng Comelec

October 2, 2022 @ 2:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nais panagutin ng Commission on Elections (Comelec) na panagutin ang mga nuisance candidate.

Ito ang sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco ngayong Linggo, Oktubre 2 makaraan lumitaw ang balita na nailagay kay dating Governor Roel Degamo ang boto na natanggap ng isang nuisance candidate na ang pangalan ay “Ruel Degamo”.

Batay sa Comelec Rules of Procedure Part V, Rule 24, sinasabi na maidedeklarang nuisance candidate ang sinumang kandidato sa eleksyon na wala talagang intensyon na tumakbo sa opisina at ang nais lamang ay magdulot ng kalituhan sa pamamagitan ng kaparehong pangalan.

Ani Laudiangco, nagiging trend na umano ang paglitaw ng mga nuisance candidates tuwing eleksyon at panahon na upang panagutin ang mga ito.

“Isusulong po sa pamamagitan ng administration ni Chairman George Garcia na sana ‘yung mga ganitong bagay ay mai-declare, ma-criminalize po kasi nagiging uso ito. Paulit-ulit na lang kada eleksyon, meron at merong tumatakbo na halos kapangalan, katunog ng pangalan ng mga lehitimong kandidato na ang tanging dahilan ay para gawing mockery ang eleksyon, lituhin ang mga tao,” aniya sa isang panayam sa radyo.

“So, isusulong po ng Comelec na sana ma-criminalize ito nang hindi lang sa boto ang pinaguusapan natin, kundi maparusahan sila ng may pagkaka-kulong at ma-fine po,” dagdag pa ni Laudiangco.

Matatandaan na nauna ring sinabi ni Comelec chairman George Garcia na amyendahan ang rules of procedure laban sa nuisance candidates. RNT/JGC