NUJP bukas sa dekriminalisasyon ng libel

NUJP bukas sa dekriminalisasyon ng libel

December 14, 2022 @ 1:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bukas sa grupo ng mga mamamahayag ang isinusulong ni Senador Risa Hontiveros na dekriminalisasyon ng libel sa bansa.

“Very welcome itong finile ni Senator Hontiveros na actually very overdue na nga yung pag-decriminalize ng libel. Decades na ‘tong kampanyang ‘to ‘no,” sinabi ni National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) President Jonathan de Santos sa panayam ng TeleRadyo nitong Miyerkules, Disyembre 14.

“At ano kasi siya, parang incompatible na ang libel or criminal libel sa mga, parang sa principles na pinanghahawakan natin bilang bansa na supposedly, democracy tayo. We have free speech pero meron tayong mga kasama sa, hindi lang sa industriya ‘no, mga kababayan nga natin na pwede silang makulong for, basically for their reporting, para sa kanilang freedom of expression ‘no so medyo harsh talaga siya,” dagdag pa niya.

Matatandaan na inihain ni Hontiveros ang panukala sa kaparehong araw na ma-convict ang mamamahayag na si Frank Cimatu dahil sa cyberlibel noong 2017 sa isang Facebook post tungkol kay dating
Agriculture Secretary Manny Piñol.

“Parang beyond yung possibility ng makukulong siya or may multa, kasama na rin, kailangan natin tingnan yung struggle nung trial mismo, yung epekto ng sa kanyan financially, epekto noon sa kanya siguro, emotional state niya,” pagbabahagi ng saloobin ni De Santos patungkol dito.

Nilinaw naman niya na hindi nila hinihiling na ang mga mamamahayag na talagang gagawa ng mali o labag sa batas ay hindi maparusahan.

“Ang sinasabi lang natin hindi ka dapat makulong para sa isinulat mo o sinabi mo, pwede naman kasing, pwede mong ihabla sa korte na humingi ka ng danyos,” aniya.

“Hindi naman tinatanggal yun sa batas, ano lang kasi, unang-una napakahaba ng trial ‘no, at alam din naman natin yung conditions ng prisons natin, napaka-harsh niya na punishment over your exercise mo of your freedoms,” pagtatapos ng NUJP president. RNT/JGC