Number coding ng business permit renewal sa Pasay sinuspinde

Number coding ng business permit renewal sa Pasay sinuspinde

January 14, 2023 @ 12:45 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang suspension ng kanilang number coding scheme in para sa business permit renewal simula nitong Enero 13 (Biyernes).

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na tatanggapin na ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang lahat ng aplikasyon para sa renewal ng business permit sa apat na lugar sa lungsod ng wala nang ipatutupad na coding scheme.

Nanawagan si Calixto-Rubiano sa lahat ng mga establisimiyento sa lungsod na bumisita na lamang ang mga ito sa mga Business Permits One Stop Shop (BOSS) sites ng Lunes hanggang Sabado mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 lamang ng hapon.

Ang apat na sites para sa renewal ng business permits at ang kanilang mga iskedyul ay sa Pasay City Astrodome na matatagpuan sa Derham Park na magbibigay ng serbisyo mula Enero 3 hanggang Enero 14; Double Dragon Plaza na matatagpuan sa Macapagal Boulevard at sa ikalawang palapag ng Newport Mall, Newport Boulevard na bukas mula Enero 3 hanggang 20; at sa SM Mall of Asia (MOA) ng mula Enero 16 hanggang Enero 20 lamang.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na matatandaan na inanunsyo n ani BPLO head Mitch Pardo na ang business permit renewal ay magtatagal lamang ng hanggang Enero 20 at wala nang magaganap na extension dito.

Nanawagan na rin si Pardo sa mga establisimiyento sa lungsod na asikasuhin na nila ang pagre-renew ng kani-kanilang business permits dahil matapos ang deadline na Enero 20, ang mga magbabayad ng kanilang business permits ay mapapatawan na ng karagdagang 20 porsiyento na magsisilbing penalty. James I. Catapusan