Number coding scheme ‘di pa ibabalik – MMDA

Number coding scheme ‘di pa ibabalik – MMDA

July 15, 2021 @ 11:42 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hindi pa ibabalik ng Metropolitan Manila Development Authority ang number coding scheme sa National Capital Region, ayon kay chair Benhur Abalos.

“Kung ibabalik natin ang number coding, karamihan sa atin na iisa lang ang sasakyan ay magji-jeep at magbu-bus,” giit ni Abalos.

“Ang iyong kotse ay ang iyong personal health bubble. Ibig sabihin, kung nandiyan ka sa kotse mo, protektado ka maski papaano,” paliwanag nito.

Aniya maaaring mag-carpooling ang ilang motorista dahil sa number coding.

“Baka magsiksikan sa kotse, magsama na kung sino at baka magkahawahan,” punto ng opisyal.

Sinabi pa nito na kahit walang number coding, maaayos pa rin ang trapiko sa rehiyon.

“Dati sa southbound ang takbo ay 11 kilometers per hour. Sa ngayon po ay 27 kilometers per hour,” ani Abalos.

“Mas mabilis pa rin kung ikukumpara mo from pre-pandemic.”

Mula nang magsimula ang lockdown sa bansa dahil sa pandemya, nananatiling suspendido ang number coding scheme. RNT/ELM