Number coding suspendido mula Oct. 29 – Nov. 1

Number coding suspendido mula Oct. 29 – Nov. 1

October 28, 2022 @ 7:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes, Oktubre 28 na suspendido ang number coding scheme simula bukas, Oktubre 29 hanggang Nobyembre 1 kasabay ng selebrasyon ng Undas at long weekend.

“May number coding po today, wala po sa October 29, 30, 31, to November 1, tapos ibabalik po sa November 2,” sinabi ni MMDA spokesperson Mel Carunungan sa public briefing.

Ayon kay Carunungan, tuwing Undas ay talagang dumadagsa ang mga motoristang nagtutungo sa mga sementeryo kung kaya’t nakahanda rin ang MMDA na umalalay sa pagsiguro ng maayos na daloy ng trapiko.

Matatandaang sinabi ng ahensya na mayroon silang 1,500 mga tauhan na ipapakalat sa Undas at magkakaroon din ng mga public assistance centers na may tent at ambulansya sa mga sumusunod na sementeryo:

Manila North Cemetery
South Cemetery
Loyola Memorial Park
Bagbag Public Cemetery
San Juan Public Cemetery.

Mayroon ding 10,000 pulis ang inaasahang ipapakalat sa Metro Manila bilang seguridad sa Undas ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO). RNT/JGC