NUPL nagpasaklolo sa SC vs red-tagging

NUPL nagpasaklolo sa SC vs red-tagging

October 14, 2022 @ 6:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Humingi na ng tulong sa Korte Suprema ang National Union of People’s Lawyer (NUPL) kaugnay ng kanilang writ of amparo petition na inihain sa Court of Appeals noong 2019 laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang ilang matataas na opisyal ng militar at pamahalaan.

Personal na naghain ng kanilang 19-pahinang manifestation with prayer to resolve petition ang mga abogado ng NUPL at Public Interest Law Center (PILC).

Saad nito ang kanilang hinaing sa patuloy na pag-aatake at red-tagging sa kanilang hanay kung kaya kailangan ng kagyat na aksyon mula sa Korte Suprema.

Sa pahayag ni Atty. Rachel Pastores, managing counsel ng PILC, 2019 pa umano ang kanilang writ of amparo at mula pa man noon ay hindi nawala ang pag-atake sa kanilang mga kasamahan.

“Itong manifestation ay sinasabi namin sa Supreme Court na simula noong 2019 hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang atake sa mga officers at members ng NUPL kaya po napapanahon na desisyunan ng SC yung petition for writ at hinihiling namin na sana kami ay bigyan ng proteksyon lalo na sa kasalukuyang kalagayan na escalating pa rin – nagpapatuloy pa rin ang attacks sa lawyers,” ani Pastores.

“Nitong taong 2021 lang ay may mga pinatay na abogado ng NUPL at meron ding inattempt na payatin at patuloy ‘yung harassment, surveillance and threat na nararanasan ng mga lawyers sa kasalakuyan, hindi lang ng NUPL, pati na rin po ‘yung iba dahil lang sa pag-practice ng aming profession,” dagdag pa niya.

Dahil dito ay umaasa ang grupo na tutugunan ng SC ang kanilang hiling na maproteksyunan kasama na ang lahat ng bahagi ng hudikatura.

“So hinihiling din namin na kami ay maproteksyunan at sabihin ng Supreme Court na tigilan itong red-tagging sapagkat ito po ay talagang nagbibigay ng threat sa security at buhay ng mga abogado na ang ginagawa lamang ay naghahawak ng mga cases para doon sa marginalized at nangangailangan ng tulong ng mga abogado,” giit niya.

“Hindi po sila dapat singilin o sisihin kung hindi makita ito na ito ay bahagi ng rule of law. Instruments of justice at officers of the court ang lawyers so sila ay dapat maprotektahan.” RNT/JGC