Nutriban na may iba’t ibang flavors ipapamahagi ng DepEd sa mga paaralan

Nutriban na may iba’t ibang flavors ipapamahagi ng DepEd sa mga paaralan

September 7, 2022 @ 6:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Simula sa susunod na taon ay magbabalik na ang nutriban na ipamamahagi sa mga estudyante, ayon kay DOST Secretary Renato Solidum.

Sa briefing ng House Committee on Appropriations para budget ng Department of Science and Technology(DOST) sinabi ni Solidum na nakapaloob sa 2023 budget ng Department of Education (DepEd) ang school feeding program at sa bahagi ng DOST ay nagsagawa ito ng masusing pag aaral para maging masustansya ang kinagiliwan noon na nutriban.

“Nag-level up na ang nutriban at may iba-ibang flavors,” pahayag ni Solidum.

Ayon kay Solidum ilan sa flavors ay carrots, kamote at kalabasa, aniya, nasa 180 squash variant producers ang nabigyan na ng lisensiya, 136 sa carrots at 94 sa kamote at ang mga ito ay nakipagtie-up sa mga bakery na pangangasiwaan ng DepEd.

Ipinaliwanag ni Dr. Imelda Agdeppa, direktor ng Food and Nutrition Research Institute na ang nutriban ay ipapamahagi sa mga mag-aaral sa buong bansa dalawa hanggang tatlong beses kada Linggo.

Ang DOST ang syang maglalatag ng teknolohiya at guidelines sa paggawa ng nutriban habang ang DepEd, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Nutrition Council (NCC) ang syang mangangasiwa sa pamamahagi ng masustansyang nutriban sa mga estudyante. Gail Mendoza