Nutribuns para sa mga nagpapasusong ina, toddlers oks sa NCC

Nutribuns para sa mga nagpapasusong ina, toddlers oks sa NCC

September 15, 2022 @ 10:14 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Suportado ng National Nutrition Council (NCC) ang panukala ni Senator Imee Marcos na buhayin ang Nutribun Feeding Program sa gitna ng pagtaas ng hunger incidence sa bansa, subalit idinagdag na dapat isama rito ang toddlers at mga nagpapasusong ina.

“Alam naman natin na ang feeding program ay isang magandang estratehiya na makakatulong na magbigay ng sustansya sa katawan kung kaya kami sa NCC ay kaisa at lubos na sumusuporta sa plano ni Sen. Imee,” pahayag ni NCC Executive Director Azucena Dayanghirang sa isang public briefing nitong Miyerkules.

“Napakalahaga na maibalik ang nutribun feeding program lalo na sa mga paaralan sa kadahilanan  na ang hunger incidence sa pamilyang Pilipino ay patuloy na tumataas sa mga nagdaang taon lalo na ngayong Covid-19 pandemic,” dagdag niya.

Ang Nutribun ay tinapay na kabilang sa feeding program ng pamahalaan noong 1970s.

Inilunsad ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) noong Hunyo 2020 ang “enhanced” version ng tinapay upang palakasin ang food security program ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga bagong variant ang kalabasa, orange, kamote, ube, at carrot na ipinalabas noong Abril 2021.

Ang 160-gram serving ng enhanced nutribun ay naglalaman ng 504 kilocalories at 17.8 grams ng protein — katumbas ng dalawang servings ng kanin, ayon kay Dayanghirang.

Bagama’t suportado niya ang pagbuhay sa distribusyon nito sa public schools, umapela rin si Dayanghirang na palawigin ang feeding program sa mga edad 0-2 taon maging sa mga buntis at nagpapasusong ina.

“Mahalaga na maibalik ang libreng pamamahagi ng nutribun sa mga public schools natin pero sana hindi lamang sa mga bata sa eskwelahan dahil importante rin ang grupo ng mga batang may edad 0-2 years old at mga buntis at mga lactating women. Ito yung tinatawag natin na first 1000 days population dahil sila ay higit na nangangailangan ng dagdag na pagkain na ibinibigay gaya ng enhanced nutribun,” sabi niya.

Umarangkada naman ang simultaneous pilot testing ng nutribun feeding program para sa tatlo hanggang limang taong gulan sa lalawigan ng Rizal, Cebu, at Ilocos Norte nitong weekend.

Nakararanas ang bansa ng “triple burden” sa malnutrition, ayon sa opisyal. Nangangahulugan ito na laganap sa bansa ang undernutrition kabilang ang stunted at wasted growth, overnutrition at micronutrient deficiency.

Batay sa datos mula sa 2018 Expanded National Nutrition Survey, sinabi ni Dayanghirang na 29.6% ng mga Pilipinong edad 0-29 months ang nakaranas ng stunted growth, 19.1% ang underweight, 5.7% ang nakaranas ng wasted growth at 3.5% ang overweight. RNT/SA