NWRB ‘di pa rin kampante sa lebel ng tubig sa Angat, iba pang dam

NWRB ‘di pa rin kampante sa lebel ng tubig sa Angat, iba pang dam

October 17, 2022 @ 5:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi pa kampante ang National Water Resources Board (NWRB) sa lebel ng tubig sa Angat Dam at iba pang mga reservoirs sa kabila ng mga pag-ulan na dulot ng mga dumaang bagyo.

Ayon sa NWRB, hindi pa ito maituturing na “comfortable level.”

“Sa ngayon, partikular dito po sa Luzon na apektado po ng maraming pag-uulan pero kung titignan natin ang mga dams natin ay lumalabas po na hindi naman sila ganun ka-komportable pa ang mga lebel niyan,” sinabi ni NWRB executive director Dr. Sevillo David Jr. sa public briefing nitong Lunes, Oktubre 17.

Hindi rin umano nakaabot sa watershed ang serye ng malalakas na mga pag-ulan.

Sa ulat niya, ang kasalukuyang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 189.54 meters na hindi pa sapat sa pangangailangan ng tubig ng mga residente ng Metro Manila at mga magsasaka partikular na sa Bulacan at Pampanga.

Kailangan umabot pa sa kahit 212 metro sa katapusan ng taon ang lebel ng tubig sa Angat Dam upang masigurong sapat ang gagamiting tubig ng mga residente sa darating na dry season.

Maliban sa Angat, mababa rin ang lebel ng tubig sa Pantabangan at San Roque Dam sa 196.98 meters at 264 meters.

Dahil dito ay nanawagan pa rin si David sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig. RNT/JGC