NWRB, HINIKAYAT ANG PUBLIKO NA MAGTIPID SA PAGGAMIT NG TUBIG

NWRB, HINIKAYAT ANG PUBLIKO NA MAGTIPID SA PAGGAMIT NG TUBIG

February 4, 2022 @ 10:29 AM 8 months ago


SA pagpasok ng bagong taon, maigting ang panawagan ni Dr. Sevillo “Bill” David, Executive Director ng National Water Resources Board, na maging responsible ang bawat isa sa paggamit ng tubig.

Sa aking panayam kay Executive Director David, kanyang ibinahagi na patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam kung saan nagmumula ang tubig ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, at Rizal. Noong Enero 1, nasa 202.8 metro ang lebel ng tubig sa dam; subalit, sa patuloy nitong pagbaba, umabot na lang ito sa 197.06 noong Pebrero 2.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala si Senador Grace Poe hinggil sa posibleng kakulangan sa tubig o water shortage na mararanasan ng mga umaasa sa Angat Dam.

Ayon kay Dr. David, ang pag-angat o pagbaba ng lebel ng tubig ay depende sa pagdating ng ulan.

 Noong 2021, umabot lang sa 15 bagyo ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility, kumpara sa average na 19 hanggang 20 bagyo noong mga nakaraang taon.

Sa kabila ng La Niña forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa 2021, hindi umabot ang mga pag-ulan sa watersheds ng Angat Dam kung saan naroon ang mga water reservoir.

Maging ang pinakahuli at napakalakas na bagyong si Odette (TS Rai) ay tumama sa Visayas at Mindanao, dahilan para hindi makapag-recharge ang mga reservoir sa Angat Dam.

Dagdag niya, kailangang paigtingin ang tamang pamamahala o water management sa Angat Dam, upang pagdating ng summer o tag-araw, may karampatang suplay ng tubig sa Metro Manila at mabigyan din ng sapat na tubig-irigasyon ang mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga, sa pamamagitan ng National Irrigation Administration.

Inaasahang magtatapos ang pag-iral ng malamig na hangin sa huling bahagi ng Pebrero, lalo na’t papalapit na ang Ash Wednesday (March 2), mararamdaman na natin ang init ng panahon.