NWRB: MAGHUGAS NG KAMAY BAGO AT MATAPOS KUMAIN

NWRB: MAGHUGAS NG KAMAY BAGO AT MATAPOS KUMAIN

October 19, 2022 @ 1:04 AM 2 months ago


Isa ang Pilipinas sa mga bansang aktibong nakiisa sa paggunita sa “Global Handwashing Day” nitong nagdaang Sabado, October 15. Sinimulan ang taunang aktibidades noong taong 2008 kasabay ng deklarasyon ng United Nations General Assembly sa taong iyon bilang “International Year of Sanitation.”

Layunin ng paggunita na maitaas ang antas ng kaalaman ng publiko lalong-lalo na sa mga bata at kabataan hinggil sa wastong paghuhugas ng kamay na siyang unang depensa upang malabanan ang ilang karamdaman gaya ng diarrhea at typhoid, na nakukuha sa maruming pagkain, tubig at kapaligiran.

Sa ating bansa, tinatayang may 10,000 ang namamatay kada taon sanhi ng pagtatae na karamihan ay mga bata. Kaya naman, lubhang mahalaga ang paglilinis ng mga kamay bago magsimula at matapos magluto, bago at matapos kumain, at matapos gumawa ng iba’t ibang aktibidades.

Naging mahalaga ang papel na ginampanan ng paghuhugas ng mga kamay sa paglaban natin kontra coronavirus disease 2019.

Ang simpleng paggamit ng malinis na tubig at sabon ay nakapapatay na ng mikrobyong maaaring maging sanhi ng pagdumi ng walang tigil.

Kaya naman, sa ating mga tahanan, opisina at tanggapan, dapat na maging kaugalian na natin ang paghuhugas ng mga kamay. Ano ba naman ang ilang minuto gayung para ito sa kaligtasan ng kalusugan mo at ng iyong pamilya.

Rekomendasyon ng DOH o ng Department of Health ang paggamit ng sabon at masusing paglilinis ng kamay sa loob ng dalawampung segundo.

Nakipagtulungan rin ang DOH sa DEPED o Department of Education at sa UNICEF o United Nations International Children’s Fund para maipasok sa kurikula ng edukasyon ang sanitasyon na kinabibilangan ng paghuhugas ng mga kamay.    

Paulit-ulit ang panawagan ni Dr. Sevillo D. David Jr.,Executive Director ng National Water Resources Board, kinakailangang magtipid sa paggamit ng tubig

ü  Laging suriin ang mga linya kung may tagas at agad itong ayusin;

ü  Gamitin ang pinaghugasang tubig bilang panlinis ng palikuran o bakuran;

ü  Gumamit ng timba at tabo sa paliligo;

ü  Huwag hayaang nakabukas ang gripo habang naglalaba, naghihilamos o nagsisipilyo;

ü  Gumamit ng palanggana sa paghugas ng mga gulay at prutas;

ü  Gumamit ng timba at basahan sa paglilinis ng kotse.

May iba riyan na patuloy ang pag-aaksaya ng tubig, dapat pahalagahan kung anung meron tayo ngayon tulad na lang ng tubig na alam natin na kailangan natin sa pang-araw-araw na pangangailangan.