NWRB NAGPALIWANAG SA PAGTATAS NG ALOKASYON NG TUBIG SA GREATER MANILA AREA

NWRB NAGPALIWANAG SA PAGTATAS NG ALOKASYON NG TUBIG SA GREATER MANILA AREA

November 12, 2022 @ 11:16 AM 2 weeks ago


SANHI ng direktang pagdaan ni Typhoon Paeng (Nalgae) sa mga lalawigan ng Rizal at Bulacan kamakailan na nagbuhos ng malalakas na pag-ulan, umakyat ng 20.38 meters ang antas ng tubig sa Angat dam na umabot sa 200.38 meters, bagamat kapos pa ng 11.62 meters para maabot ang normal water level na 212 meters.

 Pero kahit na nasa “operational level” lamang ang dam ay nagpasya ang National Water Resources Board (NWRB) na itaas sa 48 cubic meters per second (cms) mula sa dating 46 cms lamang ang alokasyon ng tubig para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na siyang nangangasiwa sa mga water concessionaires na Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services, Inc., may mga kababayan tuloy tayong nagtaka sa hakbang na ito ng water regulatory agency. Ika nga nila, wala pa nga sa normal level, mas maraming tubig pa ang ilalabas buhat sa nasabing dam.

 Sa programang “Health & Travel @ Serbisyo Publiko” nitong November 10, 2022 ay sinagot ni NWRB executive director Dr. Sevillo David, Jr. ang katanungan ng mga kababayan natin. Wala umanong dapat na ikabahala ang mga nasa Greater Manila Area (GMA) sa itinaas na buga ng tubig para sa dalawang water concessionaires, ito aniya ay tugon ng ahensiya sa kahilingan ng MWSS mismo para maging supisyente ang suplay ng tubig sa mga pagawaan, kabahayan at mga sakahan.

 Alam naman natin na tumataas ang gumagamit ng tubig kapag pumasok na ang “ber months” sa bansa lalo na sa GMA dahil na rin sa dami ng mga gumaganit at nangangailangan dahl sa mataas na demand ng mga produktong ibinebenta at sa paghahanda para sa Pasko, Bagong Taon, Christmas parties at reunions.

 Pagtitiyak ni Ed David ay tinitiyak naman ng pamunuan ng NWRB na hindi nito maaapektuhan ang suplay ng tubig sa panahon ng tag-init sa bans ana kadalasang nagsisimula sa buwan ng Marso.

Bagamat sinasabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dalawang bagyo pa ang inaasahang mabuo at pumasok sa ating area of responsibility ngayong buwan at tatlo hanggang apat pa sa mismong buwan ng December 2022 ay hindi nagpapaka-kampante ang NWRB sa lagay ng tubig sa Angat dam. 

Nasa hanggang 15 million katao ang umaasa sa malinis na tubig sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.