NYC bubuo ng task force na tututok sa kapakanan ng batang-kalye

NYC bubuo ng task force na tututok sa kapakanan ng batang-kalye

October 27, 2022 @ 10:38 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ni National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema ang paglikha ng inter-agency task force na tutugon sa mga usapin kaugnay sa kapakanan ng mga batang-kalye.

Ani Cardema na bubuuin ng inter-agency task force ng mga kinatawan ng NYC, Council for the Welfare of Children (CWC), Sangguniang Kabataan, departments of education, social welfare and development, interior and local government, at local government units.

Binatikos naman nito ang mga magulang na nabigong subaybayan ang kanilang mga anak hanggang sa mga ito ay masaktan o mapatay.

Tinukoy ni Cardema ang napaulat na may isang apat na taong gulang na batang babae ang namatay noong nakaraang taon matapos na masagasaan ng sports utility vehicle (SUV) sa Malate, Manila.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga magulang ng batang namatay na magsampa pa ng kaso laban sa driver.

“Mas naiinis ako dun sa magulang dahil siya ang naglagay sa anak niya sa ganung environment ng lansangan na dapat wala dun ang isang four-year old,” ani Cardema.

“From now on, kung walang magkakaso sa mga ganito, NYC at CWC ang magkakaso mismo, lalo na sa mga magulang na dinadala ang mga anak sa kapahamakan ng lansangan. Dapat simulan na ito para tumigil ang ganitong kalakaran,” wika pa ni Cardema.

Pinag-aaralan din aniya niya ng NYC ang posibilidad na magtayo ng pasilidad para sa mga batang-kalye na kahalintulad ng Boystown at Girlstown. Kris Jose